Advertisement

Responsive Advertisement

HAPPY DOGS DAY, NEPAL IPINAGDIRIWANG ANG KUKUR TIHAR: ARAW NG PASASALAMAT PARA SA MGA ASO

Sabado, Oktubre 25, 2025

 



Ipinagdiriwang ngayon sa Nepal ang makulay at makabuluhang Kukur Tihar Festival, o tinatawag ding “Araw ng mga Aso.” Isa ito sa pinakatatanging tradisyon sa bansa kung saan ang mga aso  mapa-alaga man o palaboy sa kalsada ay pinararangalan, pinasasalamatan, at minamahal sa isang buong araw na dedikado lamang para sa kanila.


Sa selebrasyong ito, ang mga aso ay binibigyan ng masasarap na pagkain, tinatabingan ng mga garland o bulaklak na marigold, at nilalagyan ng “tika” sa noo isang pulang marka na sumisimbolo ng pagpapala, respeto, at pagmamahal.


Ang Kukur Tihar ay bahagi ng Tihar Festival (tinatawag ding Deepawali sa India), isang limang araw na selebrasyon ng ilaw at pasasalamat sa mga hayop, diyos, at kalikasan. Sa ikalawang araw ng Tihar, nakalaan ang espesyal na araw para sa mga aso, na itinuturing na tagapagtanggol, gabay, at tapat na kaibigan ng tao.


Ayon sa mga paniniwala sa Nepal, ang mga aso ay sugo ng diyos ng kamatayan na si Yama, at sa pamamagitan ng Kukur Tihar, ipinakikita ng mga tao ang kanilang pagkilala sa kabutihan, katapatan, at sakripisyo ng mga hayop na ito.


“Ang Kukur Tihar ay hindi lang selebrasyon, kundi pagkilala sa mga nilalang na laging kasama natin sa hirap at ginhawa. Sa mundong puno ng paghusga, ang mga aso ang nagtuturo sa atin kung ano ang tunay na katapatan. Sana matutunan nating mahalin at igalang sila hindi lang sa araw na ito, kundi araw-araw.” -Laxmi Dhungana, Animal Rights Advocate sa Kathmandu, Nepal


Ang Kukur Tihar Festival sa Nepal ay isang paalala ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay ng lahat ng nilalang. Sa panahon kung saan madalas nakakalimutan ang kabutihan ng mga hayop, ipinapakita ng mga Nepalese na ang tunay na kultura ay yaong marunong tumanaw ng utang na loob at magmahal nang walang hinihinging kapalit.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento