Nag-viral sa social media ang aktres na si Pinky Amador matapos niyang mag-post ng video sa kanyang Facebook page kung saan makikita siyang bumibisita sa bakeshop ni broadcaster Anthony “Ka Tunying” Taberna. Ngunit hindi ang kanyang simpleng pagbisita ang umagaw ng atensyon ng mga netizens kundi ang biro niyang “bibili sana ako ng fake news” bago siya nagbigay ng peace sign sa camera.
Ang video ay sinamahan pa ng caption na nagsasabing:
“Ingat po tayong lahat sa mga papapakin natin. Maging mapanuri sa mga balita, iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.”
"Yung video ko, may halong humor ‘yun, pero may laman din. Hindi ako nagtuturo ng tao ang punto ko lang, sa panahon ngayon, kailangan nating maging mapanuri. Ang fake news ay parang pagkain din kung basta-basta mong nilulunok, ikaw din ang nalalason. Kaya bago maniwala, magtanong muna. Maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon." dagdag niya.
Maraming netizens ang agad na nag-react, dahil ang video umano ay lumabas matapos maglabas ng komento si Ka Tunying tungkol sa mga bicameral insertions o amendments na umano’y ginawa ni Sen. Risa Hontiveros sa 2025 national budget, isang pahayag na naging kontrobersyal online.
Habang may ilan na natawa at tinawag na “sarcastic humor” ang ginawa ni Pinky, marami rin ang nagsabing ito ay direktang patama sa broadcaster. May ilan pang netizens ang nagpahayag ng pagpapuri kay Pinky dahil sa kanyang mensahe tungkol sa pag-iingat sa mga balitang pinaniniwalaan at ibinabahagi sa social media.
Totoo man o biro ang kanyang sinabi, malinaw na nais ni Pinky ipaalala sa lahat: “Maging mapanuri. Hindi lahat ng trending, totoo.” Sa dulo, ang laban sa fake news ay hindi lang laban ng mga mamamahayag, ito ay tungkulin ng bawat mamamayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento