Advertisement

Responsive Advertisement

VIRAL PWD PROTESTER “KWEK-KWEK MAN” SA RALLY, INA HUMILING NA PALAYAIN ANG ANAK: "HINDI PO CRIMINAL AKING ANAK"

Martes, Setyembre 23, 2025

 



Nag-viral online ang tinaguriang “Kwek-Kwek Man” o si Alvin, matapos ang kanyang panawagan na ibaba ang presyo ng fishball, kikiam, kwek-kwek at iba pang street food sa ginanap na anti-corruption rally sa Maynila nitong Linggo. Ngunit higit pa sa kanyang sigaw para sa masa, nabunyag na si Alvin ay isang person with disability (PWD) na umaasa sa araw-araw na gamutan upang manatiling malusog.


"Nananawagan po ako sa mga kinauukulan, palayain na po ninyo ang anak ko. Hindi po siya kriminal, wala po siyang ginawang masama. Ang tanging kasalanan lang po niya ay magsalita para sa kapakanan ng mahihirap." -Nanay ni Alvin


Kasama siya sa mahigit 200 kataong inaresto ng Manila Police District (MPD). Hanggang ngayon ay hindi pa malinaw ang eksaktong dahilan ng kanyang pagkaka-aresto.


Sa social media post ng abogadong si Sol Taule, ibinahagi nito na ina mismo ni Alvin ang nagpakita ng kanyang PWD ID habang basang-basa sa ulan sa labas ng MPD headquarters. Paulit-ulit nitong ipinaabot ang kanyang pakiusap na maibigay ang gamot na kailangan ng anak sa loob ng kulungan.


Ang kanyang sitwasyon ay nagdulot ng matinding simpatya mula sa publiko. Marami ang nanawagan ng agarang pagpapalaya sa kanya at mas maayos na pagtrato, lalo na’t hindi naman siya nananakit kundi naghayag lamang ng hinaing ng mahihirap.


Ang kwento ni Alvin ay nagsilbing repleksyon ng mas malalim na isyu sa lipunan ang tinig ng mga mahihirap na kadalasang napapabayaan at pinapatahimik. Sa halip na tugunan ang kanyang panawagan, nauwi pa ito sa kanyang pagkaka-aresto. Ngayon, higit pa sa presyo ng street food, ang sigaw ng bayan ay hustisya at malasakit para sa mga kagaya niya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento