Matapos ang mahigit isang taon ng legal na labanan, tuluyang pinaboran ng Court of Appeals (CA) sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon o mas kilala bilang TVJ sa kontrobersyal na copyright case laban sa TAPE Inc. at GMA Network tungkol sa pagmamay-ari ng iconic na noontime show na Eat Bulaga!
Sa inilabas na 17-pahinang desisyon nitong Setyembre 28, 2025, ibinasura ng CA ang motion for reconsideration ng TAPE at GMA. Malinaw umano na ang buong proseso ng paggawa, pagbuo, at pagrekord ng Eat Bulaga! ay nagmula sa malikhain at orihinal na kaisipan ng TVJ, kaya sila ang itinuturing na lehitimong may-ari ng copyright ng programa.
“It was well established that the whole process of audiovisual recording of the show Eat Bulaga! emanated from the creative minds of TVJ, making them the copyright owners thereof,” ayon sa desisyon ng Court of Appeals
Bilang bahagi ng hatol, inatasan ang TAPE na magbayad ng:
₱2 milyon – Temperate damages
₱500,000 – Exemplary damages
₱500,000 – Attorney’s fees
Sa desisyon ng korte, binigyang-diin na ang bawat segment ng Eat Bulaga! mula sa pagbuo ng ideya, pagkonseptuwalisa, pag-record, hanggang sa pag-ere ay dumaan sa aprubasyon ng TVJ. Ito ang nagpapatunay na sila ang nasa likod ng creative control ng show sa loob ng maraming taon.
Ang TAPE Inc., na pagmamay-ari nina Romeo Jalosjos Sr. at Tony Tuviera, ay 44 taon nang bumibili ng blocktime slot sa GMA-7 para sa Eat Bulaga! Ngunit noong Hunyo 2023, kumalas ang TVJ mula sa TAPE at lumipat sa TV5, na nagbigay-daan sa mas lalong pag-init ng isyu ng pagmamay-ari.
Ang desisyong ito ng Court of Appeals ay isang malaking tagumpay hindi lang para sa TVJ, kundi para sa lahat ng Pilipinong artista at content creators. Ipinakita nitong mahalaga ang paggalang sa intellectual property rights at hindi maaaring basta angkinin ang isang gawa kung hindi naman ito sa iyo nagmula.
Sa panalong ito, pinatunayan ng TVJ na higit pa sa isang noontime show ang Eat Bulaga! isa itong pamana ng malikhaing kasaysayan ng Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento