Sa gitna ng mga kontrobersiyang bumalot sa 2025 national budget, nangako ang Marcos Administration na sisiguraduhin nitong magiging malinis, maayos, at makatarungan ang pondo ng bayan sa darating na 2026 General Appropriations Act.
“Makakaasa ang taumbayan na magiging maayos ang 2026 national budget. Hindi natin pahihintulutan ang anumang uri ng katiwalian o anomalya. Ang pondo ng bayan ay dapat mapunta sa kapakanan ng mamamayan, hindi sa bulsa ng iilan.” pahayag ng Malacañang.
Matapos ang pag-alis ni House Speaker Martin Romualdez sa kanyang posisyon, naging malinaw ang mensahe ng administrasyon: hindi na papayagang maulit ang malawakang katiwalian na ikinagalit ng publiko at nagbunsod ng mga imbestigasyon at kilos-protesta.
Ayon sa ilang mambabatas at civil society groups, ang ₱6.326 trilyong 2025 national budget ay mayroong mga “insertion” o mga pondong isiniksik sa mga proyekto na hindi malinaw ang pinagmulan at layunin. Tinawag nila itong “the most corrupt national budget in history.”
Sa isang media briefing, tiniyak ng Marcos Administration na hindi na mauulit ang ganitong uri ng katiwalian. Ayon sa kanila, magiging masusing ang pagbusisi sa bawat sentimo ng 2026 budget upang masiguro na ito ay mapupunta sa tamang proyekto at sa kapakinabangan ng sambayanan.
Dagdag pa rito, nakahanda umanong mag-veto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung sakaling may mga proyektong magdudulot ng katiwalian o hindi akma sa pambansang interes.
Habang papalapit ang deliberasyon para sa 2026 budget, nananawagan ang mga mamamayan at ilang grupo para sa mas bukas na proseso sa pag-apruba ng pondo. Panawagan nila, dapat ay mas bigyang-priyoridad ang edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan kaysa mga proyektong pinagdududahan ang intensyon.
Ang pagkakabagsak ng 2025 national budget bilang “pinaka-korap” ay isang malupit na aral para sa pamahalaan. Ngunit sa kabila nito, ang pangako ng Marcos Administration ay nagbibigay pag-asa na muling manunumbalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. Ang 2026 national budget ay hindi lamang numero sa papel kundi pag-asa para sa edukasyon, kalusugan, at kinabukasan ng bawat Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento