Hinimok ng Marcos Administration ang kontrobersyal na mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya na magpakita ng matibay na ebidensya kaugnay sa kanilang mga alegasyon na nag-uugnay sa ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno sa maanomalyang flood control projects.
"Ang nais ng Pangulo ay isang malawak at patas na imbestigasyon para lumabas ang buong katotohanan. Ang hindi natin gusto ay puro name-dropping na walang sapat na ebidensya. Kung meron silang konkretong datos at saksi, handa ang gobyerno na tanggapin ito at bigyan sila ng proteksyon." -Malacañang
Ayon sa Malacañang, suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang malawakang imbestigasyon hinggil sa isyu, ngunit nilinaw nilang hindi dapat nakabatay lamang sa mga paratang na walang sapat na basehan.
“What the President really wants is a wide-ranging investigation so we can know the truth. What the President does not want is name-dropping without evidence,” ayon sa isang pahayag mula sa administrasyon.
Dagdag pa ni Castro, tagapagsalita ng Malacañang, kung mayroong kredibleng testigo na makakapagpatunay ng koneksyon sa pagitan ng mga mambabatas, lokal na opisyal, at mga iregular na proyekto, bukas si Marcos na tanggapin ito at isama sa mga posibleng kaso sa hinaharap.
Sinabi rin niya na handang magbigay ng protection program ang pamahalaan kung sakaling ang Discaya couple ay tunay na magbibigay ng kumpletong impormasyon bilang state witnesses.
Gayunman, nagbabala si Castro laban sa “selective disclosures,” matapos banggitin ni Sarah Discaya na ang kanilang flood control contracts ay nagsimula pa noong 2016.
“What we really want to hear is the whole story, because they might be being selective,” dagdag niya.
Ang mag-asawang Discaya ay dati nang naugnay sa ilang blacklisted contractors at sa Senate inquiry ay tahasang idiniin na nakipag-ugnayan umano sila sa mga makapangyarihang politiko at opisyal ng gobyerno na umano’y humihingi ng kickback mula sa kanilang mga kontrata.
Sa kabila ng bigat ng mga paratang, nanindigan ang Marcos Administration na kailangan ng malinaw na ebidensya at hindi pawang mga pangalan lamang ang mailalabas sa Senado. Ang kanilang mensahe: handa ang gobyerno na suportahan at protektahan ang mga tunay na testigo, ngunit hindi sila papayag na maging batayan ng imbestigasyon ang mga alegasyong kulang sa patunay.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento