Nilinaw ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. (PBBM) na hindi ligtas sa pananagutan si Martin Romualdez kahit pa siya ay kamag-anak ng Pangulo at dating Speaker ng House of Representatives. Ayon sa MalacaƱang, anumang posisyon ang hawak ni Romualdez ay hindi magiging hadlang para siya ay imbestigahan kung mapapatunayang may kinalaman sa mga iregularidad sa mga flood control projects.
Sinabi ni PBBM na kung nanaisin man ni Romualdez na magbitiw, ito ay maaaring tanggapin kung ito ay para mapanatili ang integridad ng Kongreso at bigyang-daan ang isang patas at transparent na imbestigasyon.
“Kung masasangkot man ang kaniyang pangalan at may mapapakitang ebidensiya laban sa kaniya, mas magandang ito ay kaniyang depensahan. Walang exemption dito. Kung may ebidensiya, dapat harapin anumang posisyon o apelyido mo. Panahon na para panagutin ang dapat managot.” -PBBM
Binanggit din ng Palasyo na nagkita sina PBBM at Romualdez sa MalacaƱang Palace nitong Martes ng gabi, ngunit walang inilabas na detalye ukol sa kanilang naging pag-uusap.
Kasabay nito, inaasahan ni PBBM ang mabilis na resulta mula sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagsimula na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Martes.
Pinamumunuan ito ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes Jr. at may kapangyarihang magsiyasat, magsumite ng subpoena, at magrekomenda ng mga kasong isasampa laban sa mga sangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng imprastraktura.
Ang naging pahayag ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw na mensahe na walang sinuman kahit pa kamag-anak o mataas ang posisyon ang dapat ituring na untouchable. Sa harap ng mga alegasyon ng korapsyon, ang pagtutok sa katotohanan at hustisya ang dapat manaig, hindi ang relasyon sa politika o pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento