Naglabas ng matapang na pahayag si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso kaugnay ng insidente kung saan ilang kabataan ang nasangkot sa panununog at kaguluhan sa rally na ginanap noong Setyembre 21, 2025. Ayon sa mayor, hindi simpleng paglabag lang ng kabataan ang nangyari—may mga indibidwal umano na nasa likod at nanghihikayat sa kanila.
“Hindi natin hahayaang gamitin ang kabataan para sa kaguluhan. Kung may mga taong nasa likod nito, hahabulin natin sila. Ang mga bata ay dapat inaalagaan, hindi ginagamit para sa pansariling kapakanan.” -Mayor Isko Moreno
Sa kanyang ulat, sinabi ni Isko na may malinaw na indikasyon na manipulado ang ilang kabataan na lumahok sa kaguluhan. “Initial report namin, merong nag-manipulate sa mga bata. Mga dayo sila, may nag-organize, dating pulitiko, Filipino-Chinese ang funder tapos may isang abogado, funder din. 'Yan ang mga binabantayan namin ngayon,” ayon kay Isko.
Ayon kay Isko, malinaw na hindi kusang loob ng lahat ng kabataan ang kanilang ginawa. May mga organizer at funder umano na ginagamit ang kabataan para makalikha ng mas malaking gulo sa kalsada at ma-divert ang atensyon ng publiko.
Marami ang nagpahayag ng pagkabahala sa ulat na ito, lalo’t kung totoo ngang ginagamit ang kabataan para sa pansariling interes ng ilang grupo o indibidwal. Nanawagan ang mga netizens na imbestigahan agad ang mga taong nasa likod ng umano’y manipulasyon upang hindi na maulit pa ang ganitong klase ng pangyayari.
Ang pahayag ni Mayor Isko ay nagsisilbing babala hindi lamang sa mga kabataan kundi lalo na sa mga nasa likod ng paggamit sa kanila. Kung mapapatunayan, dapat managot ang mga taong responsable sa likod ng kaguluhan. Paalala rin ito na ang kabataan, na dapat sana’y pag-asa ng bayan, ay hindi dapat gawing kasangkapan ng sinumang may pansariling interes.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento