Isang nakababahalang ulat ang ibinahagi ng Department of Health (DOH) sa bawat araw, mayroong humigit-kumulang 57 bagong kaso ng HIV na naitatala sa bansa. Higit pang ikinabahala ng publiko ang pahayag ni Health Secretary Ted Herbosa na halos 30% ng mga pasyenteng ito ay pawang mga menor de edad o wala pang 18 taong gulang.
"Ito ay isang youth epidemic. Kapag hindi natin natutukan, mas marami pang kabataan ang maaapektuhan. Kailangan nating kumilos ngayon bago pa lumala ang sitwasyon." -DOH Secretary Ted Herbosa
Lumabas ang datos na ito sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations ukol sa panukalang 2026 national budget. Dito, tinanong ni Akbayan Rep. Perci CendaƱa kung paano popondohan ang AIDS Medium Term Plan (AMTP) na nangangailangan ng ₱16 bilyon para sa 2026.
Ayon kay Herbosa, ito na ang pinakamalaking pagtaas ng HIV cases sa kasaysayan ng bansa. “There’s 57 cases of HIV a day. Thirty percent of those are actually below the age of 18. So this is really a big problem if we are not able to stop this epidemic,” giit ng kalihim.
Ipinaliwanag niya na hindi nakikita sa National Expenditure Program (NEP) ang hiwalay na pondo para sa AMTP dahil nakapaloob na ito sa PhilHealth benefit package at hospital operating expenses, partikular para sa antiretroviral drugs (ARVs) at testing ng mga nagpopositibo.
Ang ulat na ito ay nagbigay-diin sa pangangailangang palakasin ang edukasyon, testing, at access sa treatment, lalo na para sa kabataan na kabilang sa vulnerable sector.
Ang datos na inilabas ng DOH ay malinaw na senyales na ang HIV epidemic sa bansa ay hindi lamang isyu ng kalusugan, kundi isang krisis na nakakaapekto sa kinabukasan ng kabataan. Ang hamon ngayon ay kung paano maisasakatuparan ang sapat na pondo at mas epektibong programa upang matigil ang patuloy na paglobo ng kaso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento