Isang emosyonal na pahayag ang ibinahagi ng content creator at food entrepreneur na si Diwata tungkol sa isyu sa likod ng mga umano’y sangay ng kanyang negosyong Diwata Pares. Nilinaw niya na ang tanging lehitimong pag-aari lamang niya ay ang orihinal na paresan, at ang mga sangay sa Quezon City, Caloocan, Laguna, at Pampanga ay hindi siya ang may-ari.
“Imbes na kumita ako, wala talaga akong kinita. Ako pa yung nag-sacrifice, ako pa yung nautangan, Awareness lang po sa lahat. Dahil ako ang magbabayad, hindi ko naman talaga pinakinabangan. Imbes na kumita ako, ako pa po yung naagrabyado.” emosyonal na pahayag ni Diwata.
Ayon kay Diwata, ginamit umano ang kanyang pangalan sa mga kasunduan ng mga taong nagpakilalang mga business partners at nangako ng franchising at royalty fees. Ngunit mahigit isang taon na siyang hindi nababayaran. Sa halip na kumita, naipit pa siya sa mga utang at obligasyon.
Isa sa pinakamabigat na pasaning naiwan sa kanya ay ang ₱300,000+ na balanse ng Quezon City branch, na siya ngayong kailangang bayaran dahil ang kanyang pangalan ang ginamit sa legal na papeles.
Ibinahagi rin ni Diwata ang kanyang pagkadismaya dahil sa kabila ng paulit-ulit na mga meeting at pangako ng mga nasabing grupo, wala ni isa ang natupad. Ilan sa kanyang mga personal na gamit ay naiwan pa sa mga taong ito, at aminado siyang hindi niya kilala nang lubusan ang mga taong pinasok niya sa negosyo.
Inamin niyang na-engganyo lang siya dahil sa kasikatan niya noon online, at naniwalang makatutulong ito upang maiangat ang kanyang sarili mula sa kahirapan. Ngunit sa halip, nabigo siya at ngayon ay nahaharap sa mabibigat na obligasyon at utang.
Ang kwento ni Diwata ay isang mapait ngunit makabuluhang paalala na sa likod ng tagumpay at kasikatan, may mga taong handang samantalahin ang kabutihang-loob at kasikatan ng iba. Sa halip na kumita, naiwan siyang may mabigat na obligasyon at sugatang damdamin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento