Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng Pilipino na baguhin ang kanilang pananaw mula sa pagiging reaksyonaryo tuwing may sakuna, tungo sa mas maagang paghahanda. Ayon sa kanya, ang Pilipinas ay isang bansang natural na dadaanan ng mga bagyo, kaya’t dapat ay maging handa at handaang tumugon nang mabilis.
“Wala tayong magagawa, babagyohin talaga ang Pinas. Ang magagawa natin ay maghanda. Hindi puwedeng hintayin ang bagyo bago kumilos. Kailangan may plano, may sistema, at handa ang lahat.” -PBBM
Sa isang panayam sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni Marcos na ang mga bagyo ay hindi na dapat ituring na ‘emergency’ dahil ito ay bahagi na ng ating “new normal.”
“Palitan na natin ang pag-iisip natin. Hindi ito unusual, hindi ito emergency. Ito ngayon talaga ang panahon. Ang estimate sa bagyo dito sa Pilipinas sa taong ito ay 12 to 15 na bagyo. Naka-tatlo na tayo. To be conservative, ibig sabihin, isang dosena pa ito na dadating, kaya’t huwag na nating isipin na baka magkabagyo.”
Pinangunahan ni Marcos ang pagpupulong sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Headquarters upang suriin ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa gitna ng sama ng panahon. Tinalakay ang epekto ng Tropical Storm Dante, Typhoon Emong, at ang pinalakas na habagat na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar.
Binanggit din ng Pangulo ang kahalagahan ng pangmatagalang adaptasyon, tulad ng paghahanda ng evacuation plans, disaster-resilient infrastructure, at mas maayos na sistema ng early warning.
Ang mensahe ni Pangulong Marcos Jr. ay isang paalala na ang pagiging handa ay mas mahalaga kaysa sa pagiging alerto lamang kapag narito na ang sakuna. Sa harap ng patuloy na pagbabago ng klima, ang bansa ay kinakailangang magkaroon ng matatag na sistema ng disaster response at mas maayos na koordinasyon mula sa pamahalaan hanggang sa mga lokal na komunidad.
Ang bagyo ay hindi maiiwasan, ngunit ang pinsala ay maaaring mabawasan kung lahat ay may tamang kaalaman, plano, at kahandaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento