Isang malaking hakbang kontra sa online kasamaan ang isinagawa ng social media giant na Meta matapos nitong burahin ang Facebook pages ng 20 kilalang influencers na umano'y sangkot sa pagpo-promote ng illegal online gambling.
Ayon sa digital advocacy group na Digital Pinoys, ang desisyong ito ay bahagi ng kanilang tuluy-tuloy na kampanya laban sa cybercrimes na patuloy na sumisira sa kabataan at pamilyang Pilipino.
Kabilang sa mga tinanggal na pages ay ang pagmamay-ari nina:
Boy Tapang na may mahigit 5.5 million followers
Sachzna Laparan na may 9.7 million followers
Mark Anthony Fernandez na may 242,000 followers
"Hindi ito isyu ng pagiging sikat o pagkakaroon ng maraming followers. Ito ay tungkol sa pananagutan. Ang social media ay may kapangyarihang maghubog ng pananaw, kaya nararapat lang na gamitin ito para sa kabutihan. Sa Meta at CICC, salamat sa agarang aksyon." -DIGITAL PINOYS REPRESENTATIVE
Ayon sa Digital Pinoys, isinumite nila ang mga naturang pages sa Meta, kasunod ng rekomendasyon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), dahil sa umano’y patuloy na pag-eendorso ng mga influencers na ito sa ilegal na sugal online, gaya ng e-sabong at betting platforms na walang tamang lisensya.
Dagdag pa ng grupo, ang pagbura sa mga pages ay hindi lamang disiplina para sa mga influencer, kundi paalala rin sa publiko na ang social media ay hindi ligtas na lugar para sa panlilinlang.
Sa mundo ng social media kung saan mabilis ang pagkalat ng impormasyon, mahalaga ang responsibilidad sa bawat post at endorsement. Ang ginawa ni Meta ay hindi lamang aksyon laban sa ilegal na gawain, kundi paalala na ang kapangyarihan sa digital world ay may kalakip na pananagutan.
Ang mga influencer ay may papel sa paghubog ng pananaw ng kabataan. Kaya’t ang bawat isa sa atin mapa-influencer man o ordinaryong netizen—ay kailangang maging mapanagot sa paggamit ng plataporma.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento