Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), tahasang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang matinding pagkadismaya at galit sa mga natuklasang substandard, sira-sira, at di-umiiral na mga flood control projects na umano’y nagkalat sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino! Mahiya kayo sa mga kababayan nating naanod o nalubog sa baha! At higit sa lahat, mahiya kayo sa mga anak natin na magmamana ng mga utang na ginawa ninyo, pero binulsa nyo lang!” -Pangulong Marcos
Ayon sa Pangulo, ilang ulit na siyang personal na nakakita ng mga istrukturang ito habang bumibisita sa mga lugar na tinamaan ng bagyo at matinding pag-ulan. Labis niyang kinondena ang mga nasa likod ng mga ganitong proyekto, na aniya’y “nagnanakaw hindi lang ng pera kundi ng kinabukasan ng bawat Pilipino.”
Bilang agarang aksyon, iniutos ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng kompletong listahan ng lahat ng proyekto ng flood control mula pa noong 2022. Layunin ng hakbang na ito na magsagawa ng audit, performance review, at public disclosure ng proyekto.
“Ang listahang ito ay ilalathala upang mabigyan ng kapangyarihan ang taumbayan na magsumbong ng mga iregularidad,” dagdag ni Marcos.
Tiniyak rin ng Pangulo na magsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang sangkot, kasama na ang mga kontratista.
Sa kabila ng mga isyung ito, inanunsyo rin ng Pangulo na tuloy na ngayong taon ang Bataan-Cavite Interlink Bridge, isang makasaysayang proyekto na magpapababa ng travel time sa 45 minuto. Binanggit din niya ang rehabilitasyon ng Guadalupe Bridge sa Makati bilang isa sa mga prayoridad ng pamahalaan.
Sa harap ng patuloy na problema sa pagbaha at kurapsyon, muling pinatunayan ni Pangulong Marcos na hindi siya papayag na manahimik sa harap ng katiwalian. Ang kanyang mga pahayag ay tila sigaw ng katarungan para sa bawat Pilipinong nabiktima ng kapabayaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento