Ang buhay ni Ricardo Laingo Jr., o mas kilala bilang Jun, ay kwento ng tiyaga, pagsisikap, at matibay na pangarap. Isang 35-anyos na ama mula sa Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte, si Jun ay bunsong anak sa limang magkakapatid. Ang kanilang pamilya ay simple lamang ang pamumuhay: ang kanyang ama ay dating mangingisda, habang ang ina naman ay naglalako ng isda.
“Lahat ay posible basta may sipag, tiyaga, at pananalig. Hindi ako nahiyang magsimula bilang guard dahil alam ko na bawat hakbang ay papalapit sa pangarap ko.” -Jun
“Ako ang bunso sa limang magkakapatid. Mangingisda noon ang tatay ko, habang naglalako naman ng isda ang nanay ko. Ngayon ay hindi na sila nagtatrabaho dahil matanda na rin sila,” pagbabahagi ni Jun.
Sa kabila ng kahirapan, hindi nawalan ng pangarap si Jun. Sa kanyang elementarya at high school days, namimingwit siya tuwing weekend upang makaipon ng baon sa eskwela. Malaki ang kanyang pasasalamat sa mga guro na tumulong sa kanya, na siyang naging inspirasyon niya para magpatuloy.
Noong 2010, nagsimula si Jun bilang isang agency-hired security guard. Matapos ang ilang taon ng pagseserbisyo, siya ay na-assign sa Security Bank Dipolog Branch, kung saan halos walong taon siyang nagbantay ng bangkong minsang pinangarap niyang pasukin bilang empleyado.
“Isa sa mga dahilan kung bakit pinili kong maging security guard habang ipinagpapatuloy ang pag-aaral ay dahil pangarap ko talagang maging isa sa mga empleyado ng Security Bank bilang teller,” ani Jun.
Dahil sa kanyang dedikasyon, noong 2018 ay nabigyan siya ng scholarship ng Security Bank Foundation sa ilalim ng programang ‘Regalo Mo, Kinabukasan Ko.’ Habang nagtatrabaho bilang guard, sabay siyang nag-enroll sa Dipolog City Institute of Technology para kumuha ng Bachelor of Science in Computer Science.
Sa kabila ng trabaho, responsibilidad bilang magulang, at pag-aaral, nagtapos siya with honors noong Hulyo 2, 2022, sa edad na 32.
Ang kwento ni Jun ay patunay na walang pangarap na imposible kapag may sipag, tiyaga, at determinasyon. Mula sa pagiging security guard hanggang sa pagkamit ng diploma at posisyon sa bangko, ipinakita niya na ang hirap ng buhay ay hindi hadlang sa tagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento