“Walang koneksyon, walang padrino pero may talento, puso, at panalangin.”
Ito ang mga salitang buhat mismo sa bibig ni Elias J TV, ang simpleng binatang dating gumagawa lang ng video gamit ang cellphone sa Mindanao at ngayo’y pinapanuod na sa buong mundo.
“Hindi ko ho akalain. Dati nasa kalsada lang ako, cellphone lang ang hawak ko. Ngayon, kinakausap na ako ng mga OFW na sinasabing nakakatulong ako sa kalungkutan nila. Ang Diyos talaga, pag may plano sa ‘yo, wala kang kawala.” -Elias J TV
Si Elias Gabonada Lintucan Jr., kilala bilang Elias J TV, ay isang Criminology graduate na ipinanganak sa Magpet, North Cotabato noong Mayo 11, 2000. Pero sa halip na uniporme ng pulis ang suotin, pinili niya ang mikropono, kamera, at sariling wit upang magsalita sa masa.
“Noong una, cellphone lang ang gamit ko. Wala akong budget, wala akong kilala sa industriya. Pero meron akong kwento. At ‘yun ang puhunan ko,” ani Elias.
Sa kabila ng kakulangan sa kagamitan at koneksyon, hindi ito naging hadlang kay Elias. Sa halip, ginamit niya ang totoong boses at kwento ng karaniwang Pilipino sa wikang Bisaya, walang filter, walang script.
Ang resulta? Isang viral video ang sumabog online. At mula noon, hindi na siya tumigil.
“Sabi nila, ‘Elias, ikaw ang pahinga namin tuwing malungkot kami sa abroad.’ Doon ko naramdaman na may dahilan kung bakit ko ginagawa ‘to.”
Ngayon, milyon na ang views, followers, at shares ng kanyang content. Mula social issues, motivation, hugot, at simpleng kasiyahan, naging tahanan siya ng maraming Pilipinong naghahanap ng pag-asa.
Kamakailan lang, nakita si Elias sa mga events sa California, at balitang may nilulutong international collab kasama ang mga Fil-Am content creators.
Sa US, Canada, UAE, at Europe umaabot na ang kanyang videos sa bawat sulok ng mundo kung nasaan may Pinoy.
Ang kwento ni Elias J TV ay patunay na hindi hadlang ang kawalan ng koneksyon, pera, o pormal na training para makamit ang tagumpay. Ang puso, tiyaga, at tunay na mensahe ay sapat para makarating sa pinakamalayong sulok ng mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento