Sa kabila ng mga isyu at puna online tungkol sa tamang paggamit ng pronouns sa LGBTQIA+ community, muling naging usap-usapan si Awra Briguela matapos niyang ibida ang kaniyang fit at toned na katawan sa social media, isang matapang at makabuluhang pagpapakita ng self-love, resilience, at empowerment.
"Sa halip na hate ang ipakalat, bakit hindi natin piliin ang pagmamahal? Kung hindi natin maintindihan ang isa't isa, piliin pa rin nating maging mabuti. Bigyan natin ng love and respeto ang bawat isa," ayon kay Awra Briguela.
Sa kaniyang post, makikita si Awra na confident at proud sa transformation ng kaniyang katawan, patunay na ang lakas ay hindi lamang pisikal, kundi emosyonal at mental din. Ginamit niya ang platform upang manindigan, hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa buong komunidad na madalas naaapektuhan ng maling pagkakakilanlan at kawalan ng respeto.
Hindi lingid sa publiko ang ilang pagkakataong nababansagan o natatawag si Awra sa mga pangalang hindi tugma sa kanyang pagkakakilanlan, gaya ng "sir" o "bro," bagay na madalas hindi sinasadya ngunit may bigat para sa mga kagaya niya na may malinaw na gender expression. Sa halip na pumatol o magpakita ng galit, pinili ni Awra ang positibong paraan ng pagsagot — sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mensahe ng pagmamahal at respeto.
Ang kwento ni Awra Briguela ay paalala sa ating lahat na ang respeto ay libre, ngunit napakahalaga. Sa panahong mabilis mag-judge ang lipunan, mas kailangan nating pairalin ang pag-unawa, pakikinig, at pagtanggap. Ang pagiging malakas ay hindi nasusukat sa muscle, kundi sa tibay ng loob na panindigan ang iyong pagkatao kahit na hindi ka maintindihan ng iba.
"Lahat tayo may pinagdadaanan. Pero sana, piliin pa rin nating maging mabuti. Respeto lang talaga, sapat na ‘yun." — Awra Briguela
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento