Isang kwento ng kabutihan ang nag-viral mula sa Kamuning, Quezon City, kung saan isang college student na si Gretchen ang hindi nag-atubiling tumulong sa isang munting aso na nakita niyang hirap na hirap lumakad habang siya ay pauwi mula sa eskwela.
Ayon kay Gretchen, pauwi na siya noon mula sa klase at habang naglalakad papunta sa sakayan ng jeep, napansin niya ang isang aso na tila may iniindang injury sa paa. Dahil likas na siyang pet lover, hindi niya natiis ang sitwasyon ng aso.
“Hindi ko po talaga kaya makita na nahihirapan siya. Parang hindi ko kayang lumampas lang na parang walang nakita,” kuwento ni Gretchen.
Pinangalanan ni Gretchen ang kanyang bagong alaga na “Kamu,” dahil doon sa Kamuning niya ito nakita.
“Pinangalanan ko po siyang Kamu kasi doon ko siya unang nakita. Para kahit tumagal, maalala ko kung saan ko siya una nakilala,” dagdag niya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-ampon si Gretchen ng hayop. Mayroon na siyang tatlong alagang aso bago pa man niya makilala si Kamu. Ayon sa kanya, bata pa lang siya ay mahilig na siya sa mga hayop, lalo na sa mga aso.
Pag-uwi niya sa bahay, agad niyang dinala si Kamu sa beterinaryo. Ayon sa pagsusuri, may minor injury lang ito sa paa at posibleng inabuso o naaksidente. Mabuti na lang daw at nakita agad ni Gretchen bago pa lumala ang kondisyon ng aso.
“Sana mas marami pang tao ang maging maawain sa mga hayop. Hindi lahat ng kabutihan kailangan ng malaking bagay minsan, simpleng paglingon lang, at pagbuhat sa isang munting nilalang, sapat na.”
Ang simpleng kwento ni Gretchen at Kamu ay paalala na sa gitna ng abalang mundo, may mga tao pa ring handang tumigil sandali para tumulong. Hindi hadlang ang pagiging estudyante o ang sariling iniintinding problema sa paggawa ng tama, lalo na kung may pagkakataon tayong maging liwanag sa madilim na sitwasyon ng iba tao man o hayop.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento