Tila 'tapos na ang usapan' pagdating sa liderato ng Mababang Kapulungan, ayon kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez matapos ibunyag na 240 sa 315 miyembro ng House of Representatives ang lumagda sa manifesto ng suporta para sa pananatili ni Leyte Rep. Martin Romualdez bilang Speaker.
“Tapos na. The Speaker has the numbers,” mariing pahayag ni Suarez, tinawag pa niya itong isang “supermajority.”
Ang naturang manifesto ay nilagdaan ng mga miyembro mula sa malalaking partidong politikal kabilang ang:
Lakas-CMD
Nacionalista Party
Nationalist People’s Coalition (NPC)
National Unity Party (NUP)
Partido Federal ng Pilipinas (PFP)
Party-list Coalition
Kahit may ilang kabiguan sa Alyansa slate sa Senado, iginiit ni Suarez na buo pa rin ang tiwala sa pamumuno ni Romualdez, lalo’t malapit ito kay Pangulong Marcos Jr. at pangunahing tagapagtaguyod ng Bagong Pilipinas agenda.
Samantala, isiniwalat ni Vice President Sara Duterte na hinihikayat niya ang kapatid na si Davao Rep. Paolo Duterte na tumakbong Speaker o minority leader. Wala pang pormal na tugon mula kay Congressman Pulong.
Gayunman, ayon kay Suarez, ang sinumang tangkang palitan si Romualdez ay "unrealistic" o malayong mangyari sa kasalukuyang komposisyon ng Kamara.
Sa gitna ng mga batikos na ang pagsuporta ng mga kongresista sa impeachment kay VP Sara Duterte ay nakaapekto sa resulta ng Senado para sa Alyansa, iginiit ni Rep. Robert Ace Barbers na hindi ito totoo. Aniya, marami sa mga Mindanaoan lawmakers na bumoto pabor sa impeachment ay nanalong muli sa halalan.
Sa kabila ng mga espekulasyon at bulong-bulungan tungkol sa posibleng pagpalit ng liderato sa Kamara, malinaw ang numero at suporta pabor kay Speaker Martin Romualdez. Sa 240 kongresistang lumagda sa manifesto, malinaw na nananatili siyang haligi ng Kamara at pangunahing katuwang ni Pangulong Marcos Jr. sa pag-abot ng Bagong Pilipinas vision.
“Ang liderato ni Speaker Romualdez ay buo ang suporta. Walang batayan ang mga haka-haka. Ang Kongreso ay mas pinipili ang katatagan at direksyon,” — Rep. David Suarez
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento