Isang malaking pagbabago sa administrasyon ang inanunsyo ng Malacañang nitong Huwebes matapos iutos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagsusumite ng courtesy resignation ng lahat ng miyembro ng kanyang gabinete.
"Ang hakbang na ito ay hindi laban sa sinuman, kundi para sa mas mabilis, mas malinaw, at mas episyenteng serbisyo para sa sambayanan. Hindi tayo pwedeng manatili sa comfort zone — hindi ito ang panahon para sa palusot. Ang taong-bayan ay nagsalita, at obligasyon nating tumugon nang buong tapang at determinasyon." -PBBM
Ayon sa pahayag ng Palasyo, layunin ng kautusang ito na “i-recalibrate” ang pamahalaan bilang tugon sa resulta ng 2025 midterm elections at para mas mapalapit ang direksyon ng gobyerno sa inaasahan ng taong-bayan.
“This is not business as usual,” ani Marcos. “It’s time to realign government with the people’s expectations.”
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng Pangulo na ang hakbang na ito ay hindi laban sa sinumang personalidad, kundi basehan ng performance at alignment sa mga layunin ng administrasyon.
“This is not about personalities—it’s about performance, alignment, and urgency,” dagdag pa ni Marcos.
Ang nasabing hakbang ay tatlong araw lamang matapos niyang ilahad sa kanyang “BBM Podcast” na isinasagawa na ang performance review ng bawat kagawaran.
Nilinaw ng Pangulo na hindi ito isang pag-aalis ng tiwala kundi isang prosesong magbibigay daan sa mas mabilis na pagpapatupad ng mga programa at mas epektibong serbisyo. Ang mga opisyal na maganda ang naging trabaho ay mananatili at kikilalanin.
“The people have spoken, and they expect results—not politics, not excuses. We hear them, and we will act,” pahayag pa ni Marcos.
Sinabi rin ng Malacañang na mananatiling tuloy-tuloy ang mga serbisyo ng gobyerno habang isinasagawa ang transition at screening ng mga posibleng panibagong opisyal. Ang batayan ng pagpili ng mga bagong miyembro ng gabinete ay stability, continuity, at meritocracy.
“With this bold reset, the Marcos administration signals a new phase—sharper, faster, and fully focused on the people’s most pressing needs,” dagdag ng Palasyo.
Ang kautusan ni Pangulong Marcos Jr. ay hindi simpleng pagbalasa ng gabinete, kundi isang malaking hakbang patungo sa mas episyenteng pamumuno. Sa gitna ng mga bagong hamon at lumalaking panawagan mula sa publiko para sa tunay na pagbabago, nilinaw ng administrasyon na ito ang simula ng panibagong yugto na nakatuon sa resulta, bilis, at malasakit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento