Nagbigay ng seryosong babala si Cong. Leandro Leviste sa publiko laban sa Marcos administration, matapos niyang igiit na ang bansa ay nasa ilalim na umano ng de facto Martial Law.
“Hindi pa raw Martial Law kasi walang deklarasyon. Pero subukan mong pumuna tingnan natin kung hindi ka makakaramdam. Tahimik ang bansa hindi dahil masaya, kundi dahil alam ng marami kung sino ang unang kakasuhan.” -Cong. Leandro Leviste
Ayon kay Leviste, bagama’t walang pormal na deklarasyon, malinaw daw na ramdam na ramdam ang epekto lalo na sa paraan ng pagtrato sa mga kritiko ng administrasyon.
Ipinaliwanag ni Leviste na ang de facto Martial Law ay hindi kailangang ideklara. Hindi ito nangangailangan ng curfew, sundalo sa kalsada, o suspendidong Kongreso. Sa halip, umiiral ito kapag ang takot ang nagiging pangunahing dahilan ng katahimikan ng mamamayan.
Ayon sa kanya, marami ang hindi na nagsasalita, hindi dahil kontento sila kundi dahil natatakot silang makasuhan, ma-red-tag, o ma-target ng estado.
Binigyang-diin ni Leviste na ang katahimikan ay hindi palaging tanda ng kaayusan. Minsan, ito raw ay indikasyon ng takot. Kapag ang mamamayan ay natutong manahimik upang manatiling ligtas, demokrasya na ang talo.
Para kay Leviste, ang isyu ay hindi lang laban sa isang administrasyon kundi laban sa normalisasyon ng takot. Kapag nasanay ang publiko na ang pagpuna ay may kapalit na kaso, unti-unting nawawala ang kalayaang ipinaglaban ng mga naunang henerasyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento