Naglabas ng malinaw na direktiba ang Malacañang para sa House of Representatives: bigyang-prayoridad ang Anti-Political Dynasty Bill, ngunit huwag itong madaliin. Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., mas mahalaga ang maingat at masusing pag-aaral kaysa mabilis pero sablay na batas lalo na’t sensitibo at malaki ang epekto nito sa buong political system ng bansa.
“Hindi dapat minamadali ang pag-aaral sa anti-political dynasty bill. Baka tayo magkamali at maglabas ng batas na parang ilang flood control projects substandard. Kailangan nating gawin ito nang tama.” - President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Giit ng Pangulo, ang anti-dynasty measure ay hindi simpleng panukala. Isa itong batas na maaaring baguhin ang kultura ng politika sa Pilipinas, kaya dapat ay nakabatay sa tamang datos, legal na pagsusuri, at malinaw na implementasyon. Ayaw umano ni Marcos na magbunga ito ng kaguluhan, loopholes, o hindi praktikal na probisyon na mahirap ipatupad sa totoong buhay.
Binigyan pa ng Pangulo ng halimbawa ang flood control scandal, kung saan maraming proyekto ang naging “substandard” dahil minadali at hindi maayos ang proseso. Ayon sa kanya, hindi dapat maulit ang ganitong uri ng kapalpakan lalo na sa batas na magtatakda ng bagong pamantayan para sa mga politiko at kandidatong Pilipino.
Sa gitna ng mga panawagan na ipasa na agad ang Anti-Political Dynasty Bill, napili ni Pangulong Marcos ang mas maingat na landas: reporma na may direksyon, hindi reporma na minadali.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento