Matapos ang pananalasa ng Bagyong TinoPH, muling nabuhay ang usapin tungkol sa mga hillside developments sa Cebu City, partikular na ang proyekto ni Slater Young na Monterazzas de Cebu. Maraming residente ang nagtanong kung ang ganitong uri ng konstruksyon ay tunay na sustainable o kung ito ay nakadagdag sa pinsalang dulot ng pagbaha.
Ayon sa mga ulat, ilang komunidad malapit sa Monterazzas ang lubog sa putik at baha matapos bumuhos ang halos isang buwang dami ng ulan sa loob lamang ng dalawang araw. Sa social media, kumalat ang isang viral post na nagsabing:
“We prepared for Typhoon Tino, but we didn’t for Monterazzas de Cebu’s sudden water flow.”
Ang naturang post ay nagpasimula ng matinding diskusyon sa mga Cebuanos. May ilan na nagsasabing ang water runoff mula sa Monterazzas ay posibleng nakadagdag sa pagbaha sa mga karatig na lugar. Gayunman, may iba ring nagtanggol sa proyekto, na nagsasabing ang Monterazzas ay nasa residential zone ayon sa Land Use Plan ng Cebu City, at hindi naman itinuturing na protected area.
Ayon sa ilang eksperto, bagaman posibleng nakadagdag ang topograpiya ng lugar sa pagbuhos ng tubig, hindi ito maikakabit nang buo sa Monterazzas lamang. Binanggit nila na matagal nang problema sa Cebu ang kulang at di-maayos na flood control infrastructure.
Sa kabila ng mga batikos, nanindigan naman ang kampo ni Slater Young na sumusunod sa environmental standards ang kanilang proyekto at nakatuon ito sa eco-friendly hillside development.
Ang sitwasyong ito ay nagbukas ng mas malalim na usapan tungkol sa urban development at kaligtasan sa gitna ng lumalalang epekto ng pagbabago ng klima. Habang patuloy ang pagdami ng mga proyekto sa matataas na lugar, kailangang tiyakin ng mga developer at lokal na pamahalaan na ang kaunlaran ay hindi nagiging kapalit ng kalikasan at kaligtasan ng mamamayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento