Mariing iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang balak sumailalim sa follicle o drug test sa kabila ng mga panawagan at isyung ipinupukol laban sa kanya. Ayon sa Pangulo, ginagawa lamang itong isyu ng kanyang mga kalaban sa politika upang siraan ang kanyang pangalan at pahinain ang tiwala ng publiko sa kanyang pamumuno.
“No, why should I do that? There is nothing to do with public trust. Walang koneksyon sa follicle test o drug test,” -Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng Pangulo na ang panawagan para sa kanyang drug test ay isang diversion tactic mula sa mga grupong nais guluhin ang kasalukuyang administrasyon. Ayon sa kanya, malinaw na wala siyang itinatago at patuloy lamang siyang nakatuon sa trabaho, lalo na sa harap ng mga problemang hinaharap ng bansa.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang tiwala ng publiko ay hindi nasusukat sa drug test, kundi sa performance at katapatan ng isang lider sa kanyang tungkulin. Dagdag pa niya, kung papatulan niya ang bawat isyung walang basehan, mas masasayang lamang ang oras at lakas na dapat ay ginugugol sa paglilingkod sa bayan.
Sa kabila ng mga panibagong isyung bumabalot sa pamahalaan, nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kailangang patunayan ng isang lider ang kanyang katapatan sa pamamagitan ng drug test.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento