Matapos ihain ni Senator Robin Padilla ang kanyang panukala para sa mandatory drug testing sa lahat ng opisyal ng gobyerno, agad itong tinutulan ni Atty. Claire Castro ng Presidential Communications Office (PCO). Ayon kay Castro, ang nasabing panukala ay labag sa batas at sa karapatang pantao ng bawat indibidwal, lalo na kung isasagawa ito nang walang malinaw na legal na basehan o probable cause.
“Labag sa batas ang isinusulong na mandatory drug testing ni Sen. Robin Padilla para sa mga opisyal ng gobyerno” -Atty. Claire Castro
Layunin ng panukala ni Sen. Padilla na mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga lingkod-bayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mandatory drug testing sa lahat ng opisyal mula sa barangay level hanggang sa mataas na posisyon sa gobyerno. Ayon kay Padilla, dapat umanong mauna sa halimbawa ang mga nasa pamahalaan upang maipakita sa publiko na sila’y malinis at walang itinatago.
Mariing pinuna ni Atty. Castro ang panukala, iginiit niyang ang sapilitang drug testing ay paglabag sa karapatan sa privacy at dignidad ng tao. Ipinaliwanag niya na tanging ang mga kasong may sapat na ebidensya o probable cause lamang ang maaaring gamitan ng ganitong uri ng pagsusuri sa ilalim ng batas.
Sa kabila ng magandang layunin ng panukala ni Sen. Robin Padilla, malinaw ang pahayag ni Atty. Claire Castro ang mandatory drug testing para sa mga opisyal ay hindi basta-basta maisasakatuparan kung ito’y labag sa batas at karapatang pantao.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento