Posibleng bumalik ng bansa si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kung papayagan itong magpiyansa o maisailalim sa house arrest, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ruy Rondain. Sa panayam ni Pinky Webb sa programang On Point ng Bilyonaryo News Channel, inamin ng abogado na natatakot si Co para sa kanyang kaligtasan dahil umano’y may banta sa kanyang buhay kung ipapasok siya sa karaniwang kulungan.
“If the government can assure his safety. I heard the Ombudsman saying they will escort him from the tube, bring him to an armored van with body cams the whole time,” paliwanag ni Rondain.
“And then what? Where are they gonna bring him to the general population detention? He’s gonna get shot after the first 30 minutes,” dagdag pa niya.
Ayon kay Rondain, tanging dalawang kondisyon lamang ang maaaring maghikayat kay Co na umuwi ng bansa ang pagkakaroon ng bail o house arrest. Ipinaliwanag ng abogado na kung papayagan ito, agad umanong haharap si Co sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Dagdag pa ng abogado, natatakot si Co na makasama sa general population ng kulungan dahil sa posibleng pagtatangka sa kanyang buhay. Ipinapakita ng pahayag ni Atty. Ruy Rondain na nananatiling sensitibo at komplikado ang sitwasyon ni Zaldy Co, lalo na’t patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kanya.
Habang binabalanse ng pamahalaan ang paghahangad ng hustisya at ang karapatang pantao ng akusado, malinaw na ang usaping ito ay susubok sa integridad ng ating batas at sistema ng katarungan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento