Mariing sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na walang magiging bisa ang affidavit na inihain ng sinasabing “surprise witness” na si Orly Guteza laban sa dating House Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kung hindi siya personal na haharap at manunumpa sa kanilang tanggapan. Ayon kay Remulla, kahit may nakasulat na affidavit, hindi ito maaaring gamitin bilang ebidensya sa preliminary investigation kung walang personal na kumpirmasyon mula sa mismong testigo.
“Hindi namin pwedeng gamitin ‘yun kung hindi niya haharapan at sasabihin na: ‘Itong affidavit na ‘to, akin talaga ito. At ako mismo nag-prepare niyan, personal knowledge ko nangyari diyan.’ Ganoon ‘yun e,” paliwanag ni Remulla.
Nilinaw pa ng Ombudsman na kailangang muling manumpa si Guteza sa harap ng kanilang opisina upang maging pormal at katanggap-tanggap ang kanyang testimonya. Ayon sa kanya, ang “sworn statement” ay may bisa lamang kung may direct confirmation mula sa taong gumawa nito. Kung hindi ito gagawin, ituturing na walang saysay ang affidavit.
Inamin din ni Remulla na hindi na muling nagpakita si Guteza matapos niyang lumabas sa Senado bilang testigo sa isyu ng flood control scam. Ayon sa Ombudsman, kailangan nilang hanapin ang testigo upang mapatunayan ang mga pahayag nito laban kina Romualdez at Co.
Ang pahayag ni Ombudsman Boying Remulla ay malinaw na paalala laban sa mga gawa-gawang testimonya at affidavit na walang personal na patunay mula sa mismong testigo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento