Nagbigay ng taos-pusong mensahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa necrological service para sa kanyang yumaong Chief Presidential Legal Counsel, dating Senador Juan Ponce Enrile. Sa kanyang talumpati, inalala ni Marcos ang hindi matatawarang serbisyo ni Enrile sa bansa at ang matibay nitong paninindigan sa gitna ng mga pagsubok sa politika at pamahalaan.
“There is no higher praise than I can make of anyone that has served the country, he lived, he was willing to die, he was willing to bleed for the country.” -Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pinuri ni Pangulong Marcos ang dedikasyon at katapatan ni Enrile bilang isa sa mga haligi ng batas sa Pilipinas. Ayon sa Pangulo, si Enrile ay hindi lamang nagsilbing legal counsel ng administrasyon, kundi isang tagapayo, guro, at simbolo ng katatagan sa gitna ng mga pagbabago sa kasaysayan ng bansa.
Sa haba ng karera ni Enrile mula sa pagiging abogado hanggang sa pagiging senador at opisyal ng gabinete ipinakita niya ang tibay ng prinsipyo at pagmamahal sa bayan.
Ani ng Pangulo, kahit sa katandaan, patuloy pa rin itong nagbibigay ng payo at kaalaman sa pamahalaan. Tinawag niya si Enrile bilang “a mind sharper than most, and a heart steadfast in loyalty to the country.”
Sa kanyang mensahe, hindi rin itinago ni Marcos ang personal na koneksyon nila ng dating senador. Bilang anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., inalala niya kung paano malaking bahagi si Enrile sa buhay at pamumuno ng kanyang ama. Aniya, ang pagkawala ni Enrile ay hindi lang pagkawala ng isang opisyal ng gobyerno, kundi isang kaibigan at tagapayo na may malalim na kontribusyon sa bansa.
Ang pagpanaw ni Juan Ponce Enrile ay nag-iwan ng malaking puwang sa pamahalaan at sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa eulogy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malinaw na ang kanyang mensahe ay hindi lamang pagpupugay sa isang opisyal, kundi pagkilala sa isang buhay na inialay sa bayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento