Sa gitna ng mga isyu ng korapsyon, flood control controversies, at mga sigalot sa politika, nilinaw ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi nila hinihikayat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbitiw sa puwesto.
Ayon kay Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng CBCP, ang paninindigan ng Simbahan ay nakatuon sa “rule of law” at accountability, hindi sa pagpapabagsak ng sinumang lider.
“Wala pong paninindigan ang Simbahan na pababain ang Pangulo. Ang aming panawagan ay hustisya at pagsunod sa legal na proseso. Kung sino man ang nasasangkot, dapat litisin at panagutin.” -Fr. Jerome Secillano
Binigyang-diin ni Fr. Secillano na ang Simbahan ay hindi parte ng anumang kilusan o panawagan para pabagsakin ang administrasyon, kundi nakatuon lamang sa pagtataguyod ng katotohanan at katarungan. Ayon sa kanya, ang mga alegasyon ng katiwalian ay dapat harapin sa tamang proseso ng batas at hindi sa pamamagitan ng emosyon o pampublikong presyon.
Dagdag pa ng pari, nanawagan ang CBCP sa lahat ng sektor ng lipunan na huwag magpadala sa galit at pagkakawatak-watak. Aniya, sa halip na sisihan at bangayan, mas mainam na magtulungan upang makamit ang reporma at tunay na pagbabago.
Sa gitna ng mainit na klima sa politika, nilinaw ng CBCP na hindi ito humihingi ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos, kundi nananawagan lamang ng transparency, hustisya, at pagsunod sa batas.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento