Muling naging laman ng balita sia Leila De Lima matapos niyang hamunin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na patunayan ang kanyang sinasabing laban sa korupsiyon. Sa isang matapang na pahayag, sinabi ni De Lima na kung talagang nais ng Pangulo na maging iba sa kanyang sinundan, dapat niyang ipakita ito sa pamamagitan ng transparency, partikular na sa paglalabas ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon kay De Lima, hindi sapat ang mga salita o pangako laban sa korupsiyon. Dapat daw itong ipakita sa konkretong aksyon at ang unang hakbang ay ang pagiging bukas sa publiko tungkol sa kanyang yaman at ari-arian.
“Patunayan niyang iba siya sa sinundan niya na galit sa korupsyon kuno pero isinilkreto lang ang SALN kasama ng protektor niyang Ombudsman. Hindi pwedeng hanggang salita lang ang paglaban sa korupsyon, yung biglang kambyo at ang dami pang kuskos-balungos sa simpleng paglalabas ng SALN,” saad ni De Lima.
Ngayon, tila binabalikan ni De Lima ang parehong isyu at itinuturo si Marcos bilang dapat maging ehemplo ng openness at integridad. Dagdag pa ng dating senadora, kung talagang nais ni Marcos na patunayan na seryoso siya sa pagsugpo ng katiwalian, kailangan niyang ipakita na walang itinatago sa taumbayan.
“Hindi ito simpleng dokumento lang. Ang SALN ay simbolo ng katapatan at pananagutan ng isang opisyal ng gobyerno. Kung wala kang itinatago, bakit mo ipagdadamot sa taong bayan ang karapatang malaman ito?” dagdag pa ni De Lima.
Samantala, nananatiling tahimik ang Malacañang sa isyung ito. Wala pang opisyal na tugon mula sa kampo ng Pangulo hinggil sa hamon ni De Lima, ngunit ayon sa mga political analyst, malaking pagsubok ito sa kredibilidad ni Marcos bilang lider na nagtataguyod umano ng “Bagong Pilipinas.”
Ang hamon ni Leila De Lima kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay isang paalala na ang transparency at pananagutan ay pundasyon ng tunay na mabuting pamahalaan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento