Muling nagpatunay si Vice Ganda na hindi lang siya basta komedyante o host, isa rin siyang responsableng mamamayan na may malasakit sa bansa.
Kamakailan ay kinilala siya bilang isa sa mga Top Taxpayers ng Quezon City para sa taong 2024, isang parangal na nagpapatunay ng kanyang katapatan at kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.
Ngunit sa halip na puro pasasalamat, ginamit ni Vice Ganda ang pagkakataon upang iparating ang matapang na mensahe sa pamahalaan, isang panawagan para sa transparency at pananagutan kung saan napupunta ang buwis ng sambayanan.
“Obligasyon din ng BIR na maningil kaya, sa ayaw at gusto natin, kailangan nating magbayad. Kasi gagamitin nila ‘yon to uplift the lives of the Filipino people. At pagkatapos nating magbayad ng buwis, tayo naman ang magtatanong, ‘Nasaan na po ang ibinayad nating buwis?’”
Ayon kay Vice, hindi lamang mga ordinaryong Pilipino ang may karapatang magtanong, kundi pati mga artista, negosyante, at propesyonal na matapat na nagbabayad ng buwis.
Idinagdag niya na ang pagbabayad ng buwis ay hindi pabor, kundi isang tungkulin, at dahil dito ay may karapatan din ang bawat isa na humingi ng malinaw na paliwanag kung paano ito ginagamit.
“Kaalinsabay ng obligasyon ng mamamayan na magbayad ng buwis, obligasyon din ng pamahalaan na maging tapat at ipakita kung saan napupunta ang buwis na ‘yan. Kasi hindi biro ang perang pinaghirapan ng mga Pilipino,” pahayag pa ni Vice.
Ang kanyang pahayag ay mabilis na nag-viral sa social media, at marami sa mga netizens ang sumuporta sa kanyang matapang ngunit makatotohanang punto. Ang matapang na pahayag ni Vice Ganda ay isang paalala sa gobyerno na ang tunay na liderato ay nasusukat sa katapatan at pananagutan sa bayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento