Binigyang-pagpupugay ng lokal na pamahalaan ng Quezon, Bukidnon ang tatlong search and rescue dogs na sina Venom, Paul, at Bella, matapos nilang maging bahagi ng matagumpay na operasyon ng mga rescuer sa Barangay Palacapao noong gabi ng Oktubre 18.
Ang tatlong aso ay nagsilbing malalakas na katuwang ng mga rescue team sa paghahanap ng mga labi ng dalawang senior citizens na natabunan ng lupa matapos ang pagguho ng bahagi ng bundok sa naturang lugar dahil sa matinding ulan.
Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Quezon, malaking tulong ang mga naturang aso sa pagbilis ng operasyon, lalo na sa mga lugar na mahirap pasukin ng mga tao. Sa tulong ng kanilang matinding pang-amoy, natunton nila ang eksaktong lokasyon ng mga biktima sa loob lamang ng ilang oras matapos ang insidente.
“Ang kabayanihan ay hindi nasusukat sa lahi, edad, o anyo minsan ito ay nasa apat na paa. Sina Venom, Paul, at Bella ay patunay na kahit mga hayop, may pusong handang magligtas. Sa kanila, nakikita natin ang tunay na diwa ng malasakit at serbisyo.” — Mayor Alfredo B. Labis, Quezon, Bukidnon
Si Venom, isang Belgian Malinois, ang unang nakadetect ng amoy sa ilalim ng gumuhong lupa, na agad sinundan nina Paul at Bella, parehong Labrador Retriever, upang kumpirmahin ang posisyon. Sa tulong ng kanilang tagumpay, naibalik sa pamilya ang labi ng dalawang biktima at nabigyan ng dignidad ang kanilang huling sandali.
Dahil dito, nagpasalamat ang pamahalaang bayan at pinarangalan ang mga naturang aso bilang “Mga Bayaning Aso ng Quezon.” Bukod sa parangal, binigyan sila ng special citation at plaque of recognition, pati na rin ng mga regalo tulad ng pagkain, treats, at medalya bilang simbolo ng kanilang kabayanihan.
Ang kuwento nina Venom, Paul, at Bella ay isang paalala na ang kabayanihan ay walang hangganan tao man o hayop, basta’t naglilingkod ng tapat at may malasakit, karapat-dapat itong kilalanin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento