Nagbigay ng matapang at makataong pahayag si Senator Kiko Pangilinan matapos siyang bumoto ng “no” sa Senate Resolution No. 144, na nananawagan sa Senado na hilingin sa International Criminal Court (ICC) ang paglalagay ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa house arrest habang dinidinig ang mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kontrobersyal na “war on drugs.”
“Libo-libo ang pinatay. Libo-libo pa ang nawalan ng ama, ng ina, ng anak, na ang hiling ay hustisya. Tama rin na humingi ng hustisya,” ani Pangilinan.
“Hindi ko kayang ipikit ang aking mga mata sa sigaw ng mga naulila. Hindi ko kayang isantabi ang pagdaing ng mga nawalan ng ama, ina, at anak. Ang hustisya ay hindi pabor-pabor — ito ay para sa lahat, lalo na sa mga pinatahimik nang walang laban. Kaya’t tumindig ako hindi lamang bilang senador, kundi bilang isang Pilipino, upang ipaglaban ang karapatang pantao.” dagdag nito
Sa kanyang talumpati sa plenary session ngayong Oktubre 1, ipinunto ng senador na hindi lamang batas ang dapat isaalang-alang, kundi ang matinding sigaw ng hustisya ng libo-libong Pilipinong nawalan ng buhay at mahal sa buhay sa gitna ng kampanya kontra droga.
Binigyang-diin ng senador na bagama’t may batayan ang mga humanitarian considerations sa panukala, hindi dapat kalimutan ang daing, dalamhati, at kirot ng mga pamilyang naapektuhan ng madugong kampanya.
“May basehan ang humanitarian consideration. Ngunit may basehan din ’yung daing, at ’yung dalamhati, at ’yung masasaktan na libo-libo nating mga kababayan na pinatay,” dagdag pa niya.
Bilang chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, sinabi ni Pangilinan na tungkulin niyang unahin ang panig ng mga naghahanap ng katarungan kaysa sa mga panawagang maaaring magbigay ng pakinabang sa mga akusado.
“Bilang chairman ng Committee on Justice and Human Rights, tungkulin kong pumanig sa mga daing ng naghahanap ng hustisya,” mariing pahayag niya.
Ang naging paninindigan ni Senator Kiko Pangilinan ay isang paalala na sa gitna ng politika at kapangyarihan, ang boses ng mga naaapi at naghahanap ng hustisya ang dapat manaig. Hindi lamang ito usapin ng batas, kundi ng puso, konsensya, at pagkatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento