Hindi napigilan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang kanyang pagkadismaya sa naging pahayag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co kasunod ng pagbibitiw nito bilang kongresista sa gitna ng kontrobersiya ng anomalya sa flood control projects.
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology hinggil sa panukalang “Philippine National Budget Blockchain Act”, isang batas na layong gawing transparent at bukas sa publiko ang pambansang budget gamit ang blockchain system, diretsahan niyang kinuwestiyon ang naging mga pahayag ni Co.
"Ikaw yung nagtanakaw tapos ikaw pa yung nagsakripisyo? Ganyan na ba tayo kawalang-hiya ngayon?” tanong ng alkalde, matapos niyang tawagin ang mga pahayag ni Co bilang “hypocrisy” o pagkukunwari na aniya ay nakaka-insulto sa mentalidad ng bawat Pilipino.
Para kay Mayor Magalong, hindi katanggap-tanggap ang mga salitang binitawan ni Co matapos nitong magbitiw, lalo na’t tila ipinapakita nito na siya pa ang biktima sa kabila ng mga seryosong akusasyon ng korapsyon na kinakaharap niya.
“Nakakainsulto ang mga sinabi niya. Hindi ito ang panahon para magmalinis o magtago sa likod ng mga magagandang salita. Panahon ito para managot at ipaliwanag ang katotohanan,” ani Magalong.
Dagdag pa ng alkalde, ang ganitong uri ng pahayag mula sa isang opisyal ng gobyerno ay nagpapakita ng kultura ng kawalang-hiyaan at kawalan ng accountability na matagal nang sumisira sa tiwala ng mamamayan.
Ang matapang na pahayag ni Mayor Benjamin Magalong ay nagbubukas ng mata ng publiko sa mas malalim na usapin ng pananagutan at integridad sa pamahalaan. Sa panahon kung saan ang korapsyon ay patuloy na nagpapahirap sa taumbayan, hindi na sapat ang pagbibitiw sa posisyon o paglabas ng mga pahayag na tila paglilinis ng pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento