Sa gitna ng patuloy na imbestigasyon ukol sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa, hinamon ni Undersecretary at Press Officer Claire Castro si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na tukuyin at pangalanan ang mga taong umano’y “natamaan” at “nag-panic” matapos niyang ibunyag ang mga iregularidad sa Senado.
“Kung meron siyang mga dokumento, pangalanan niya po lahat ’yan. Maging matapang po siya sa pagpapangalan,” saad ni Castro.
Matatandaang naging sentro ng usapan si Magalong nang ihayag niya sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology na maraming opisyal at personalidad ang tila nabahala matapos niyang ilantad ang mga anomalya sa loob ng mga proyekto ng gobyerno. Ayon sa alkalde, ang mga naturang reaksyon ang nag-udyok sa kanya na magbitiw bilang special adviser at investigator ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Dagdag pa niya, hindi makatutulong ang mga pahiwatig lamang kung hindi ito tutumbasan ng mga konkretong pangalan at dokumento. Sa ganitong paraan lamang aniya matitiyak na hindi mapupunta sa “trial by publicity” ang isyu, at magkakaroon ng patas at malinaw na imbestigasyon.
Sa kanyang panig, nanindigan naman si Magalong sa kanyang naunang pahayag na may mga “tinamaan” talaga sa kanyang pagbubunyag ng katotohanan, kaya’t hindi umano nakapagtatakang nagkaroon ng panic sa ilang sektor.
“I believe I struck a nerve, or several nerves, na they panicked kaya ganoon ang nangyari,” ani Magalong.
Hindi rin itinanggi ng alkalde na ang mga sumunod na pangyayari matapos ang kanyang pagbubunyag kabilang ang mga pagbatikos sa kanya at mga panawagang magbitiw ay patunay lamang ng bigat ng kanyang isiniwalat.
Ang hamon ni Usec. Claire Castro kay Mayor Benjamin Magalong ay nagsilbing panibagong apoy sa gitna ng kontrobersiyal na imbestigasyon sa flood control anomalies. Habang naninindigan si Magalong sa kanyang mga pahayag, iginigiit naman ni Castro ang kahalagahan ng transparency at katapangan sa pagsisiwalat ng katotohanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento