Isang malungkot na araw para sa industriya ng pelikula at teatro sa Pilipinas matapos pumanaw ang beteranong aktor na si Dwight Gaston sa edad na 66. Kinumpirma ang balita ng kanyang matalik na kaibigan at kapwa beteranong aktor na si Joel Torre, sa pamamagitan ng isang emosyonal na Facebook post na puno ng alaala ng kanilang higit limang dekadang pagkakaibigan.
Sa kanyang post, ibinahagi ni Joel ang ilang lumang larawan nila ni Dwight, kalakip ang mga kwento ng kanilang samahan sa entablado at pelikula, mula sa Maskara Theater years, hanggang sa mga kilalang obra tulad ng Oro, Plata, Mata at Amigo.
“Oh Dwight, the umbilical cord has been cut. After more than 50 years of friendship, from the first play we co-directed through the Maskara Theater years, the Los Curachas, the Yamuhat Festivals, from Oro, Plata, Mata to Amigo, those creative times and laughter were at its best,” ani Joel sa kanyang post.
Pag-alala pa ni Torre, kahit sa mga huling araw ng kanyang buhay, nanatiling masayahin at palabiro si Dwight. Aniya, hindi nawalan ng pag-asa o ngiti ang kanyang kaibigan kahit alam nitong malapit na ang kanyang pagpanaw.
“Even the time you knew of your last few days, your incredible humor was still on full display,” dagdag ni Joel.
Si Dwight Gaston ay isa sa mga kilalang alagad ng sining sa teatro at pelikulang Pilipino. Kilala siya sa malalim na pagganap at dedikasyon sa kanyang craft, at sa kanyang kontribusyon sa mga proyektong nagbigay-buhay sa lokal na kultura ng sining.
Marami sa mga artista at kasamahan sa industriya ang nagpahayag ng pakikiramay at paghanga sa naiwan niyang pamana. Para sa kanila, si Dwight ay hindi lamang isang aktor, kundi isang tagapagturo, inspirasyon, at mabuting kaibigan.
Ang pagpanaw ni Dwight Gaston ay nag-iwan ng malalim na puwang sa industriya ng sining at pelikula sa bansa. Sa likod ng kanyang mga obra at pagganap, nananatili ang alaala ng isang taong may pusong masayahin, matalino, at mapagmahal sa kanyang sining.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento