Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang bagong hakbang ng pamahalaan para tulungan ang mga ina at mga sanggol sa kritikal na yugto ng kanilang kalusugan, ang ₱350 buwanang ayuda para sa mga buntis at mga anak nilang may edad 0 hanggang 2 taon na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang naturang programa ay bahagi ng malawakang adbokasiya ng administrasyon upang labanan ang malnutrisyon at stunting sa mga kabataan, isang isyung patuloy na kinakaharap ng maraming pamilyang Pilipino.
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ng Pangulo na bahagi ito ng programang “First 1,000 Days”, na nakatuon sa unang yugto ng buhay ng isang bata mula sa pagbubuntis ng ina hanggang sa ikalawang taon ng sanggol.
“Meron tayong programa na ‘First 1,000 Days.’ And the first 1,000 days, ang pagbilang niyan, it starts from conception. Magsisimula pagka nabuntis na ang nanay,” paliwanag ng Pangulo.
Ayon kay Marcos, layunin ng programa na masiguro ang maayos na nutrisyon ng bata at kalusugan ng ina sa panahon ng pagbubuntis. Sa ilalim ng inisyatibo, ang mga buntis at kanilang mga anak (0–2 anyos) na kabilang sa 4Ps ay makatatanggap ng ₱350 kada buwan upang masuportahan ang nutrisyon at pang-araw-araw na pangangailangan.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang unang 1,000 araw ng isang bata ay kritikal sa kanyang paglaki, pag-iisip, at kalusugan.
Ito ang panahong nabubuo ang utak, resistensya, at pangkalahatang kalusugan ng bata, kaya’t mahalaga na may sapat na nutrisyon ang ina at anak sa yugto na ito.
Ang “First 1,000 Days” Program ay hakbang ng pamahalaan tungo sa mas malusog na kinabukasan para sa mga Pilipinong bata.
Sa tulong ng ₱350 buwanang suporta, inaasahan na hindi na lamang gutom at kakulangan sa nutrisyon ang haharapin ng mga buntis at bagong magulang, kundi pag-asa at oportunidad para sa mas maayos na kinabukasan ng kanilang pamilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento