Advertisement

Responsive Advertisement

VICO SOTTO, HANDANG HUMARAP SA SENATE HEARING LABAN SA DISCAYA FAMILY: "KUNG KINAKAILANGAN, HAHARAP AKO SA SENADO"

Miyerkules, Setyembre 3, 2025

 



Nagpahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto na handa siyang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee kung siya ay iimbitahan para magbigay ng testimonya kaugnay ng mga iregularidad na iniuugnay sa Discaya family at kanilang flood control projects.


"Kung kinakailangan, haharap ako sa Senado. Hindi ito laban ng isang tao lamang, kundi laban para sa katotohanan at laban para sa taumbayan. Hindi tayo dapat manahimik habang paulit-ulit na niloloko ang bayan." -Mayor Vico Sotto


Sa kanyang pahayag nitong Miyerkules, Setyembre 3, nilinaw ni Sotto na bagama’t mas gugustuhin niyang huwag dumalo, siya ay haharap kung kinakailangan upang magbigay ng mahalagang impormasyon. Aniya, wala pa siyang natatanggap na pormal na imbitasyon mula sa Senado.


Matatandaang sa isang social media post, binanggit ng alkalde ang umano’y magkakasalungat na pahayag ni Sarah Discaya sa Senate hearing. Una, inamin umano ni Discaya na siya ay bahagi ng siyam na construction firms, ngunit kalaunan ay sinabi niyang nag-divest siya sa walo, at naiwan na lamang ang koneksyon niya sa Alpha & Omega General Contractor and Development Corp.


Para kay Sotto, ang ganitong palipat-lipat na sagot ay maaaring indikasyon ng pagtatakip sa tunay na may-ari at pinagmulan ng pondo ng mga proyekto. Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng mga kumpanyang nakarehistro sa pangalan ng kamag-anak o empleyado ay nagpapalakas ng hinala na mayroong mga “dummy owners.”


Nagbabala rin si Sotto na dapat umaksyon agad ang mga kinauukulang awtoridad bago pa makalusot ang mga sangkot. Hindi lamang umano dapat contractors ang managot kundi pati na rin ang mga pulitiko, opisyal ng DPWH, at iba pang kawani ng gobyerno na maaaring nakipagsabwatan.


“Hindi tayo papayag na basta na lang tatahimik at mawawala ang isyu pagkatapos ng ilang buwan; kailangan may managot. Contractors, politicians, at DPWH at iba pang government employees. Kung hindi, paulit-ulit lang ‘to mangyayari sa bayan natin,” ani ng alkalde.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento