Viral ngayon sa social media ang kabayanihan ng isang security guard sa Misamis Occidental matapos niyang sagipin ang isang maliit na kuting na muntikan nang masagasaan sa kalsada.
Ang naturang guwardiya ay nakilalang si Danilo, na walong taon nang naglilingkod bilang bantay sa kanilang lugar. Sa kanyang paniniwala, hindi lamang tao ang dapat niyang protektahan, kundi pati na rin ang mga hayop na may karapatan ding mabuhay at mahalin.
Ayon kay Danilo:
“Dapat hindi lang tao ang pinoprotektahan, dapat pati mga hayop. May buhay rin sila at dapat pinapahalagahan. Kung may pagkakataon akong makapagsalba ng buhay kahit maliit lang na kuting gagawin ko. Dahil ang kabutihan, hindi nasusukat sa laki ng nilalang kundi sa laki ng puso."
Maraming netizens ang napahanga sa kanyang kabutihan at malasakit. Ipinunto ng ilan na sa simpleng aksyon niya, ipinakita niyang tunay na walang maliit o malaking nilalang ang hindi karapat-dapat iligtas. Para sa iba, ito ay magandang paalala na ang malasakit ay walang pinipiling nilalang tao man o hayop.
Ang simpleng aksyon ni Danilo ay naging inspirasyon para sa marami. Ipinapakita nito na ang pagiging bayani ay hindi lamang nakikita sa malalaking gawain, kundi pati na rin sa maliliit na kilos ng kabutihan at malasakit.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento