Mariing binigyang-diin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang kanyang laban kontra sa korapsyon, lalo na sa mga flood control projects, ay hindi para sa pansariling interes o political mileage kundi para sa kinabukasan ng kabataan at ng buong bansa.
"Hindi ako natatakot dahil alam kong nasa tama ako. Kung kinakailangan kong isakripisyo ang aking buhay para masiguro ang kinabukasan ng ating mga anak, gagawin ko ito. Ang laban na ito ay para sa bayan, hindi para sa politika." -Mayor Benjamin Magalong
Sa kanyang matapang na pahayag, inilahad ng alkalde ang panganib na kaakibat ng kanyang paninindigan. “We’re risking our life here. Sino ba maglalakas-loob ngayon ang nagsasalita tungkol dito?” tanong ni Magalong, sabay giit na ang tunay na laban ay para hindi bumagsak ang ekonomiya at integridad ng bansa.
Dagdag pa niya, kung magpapatuloy ang talamak na kurapsyon, hindi lang pera ng bayan ang masasayang kundi pati kinabukasan ng mga Pilipino. “At the end of the day, magko-collapse din ‘yung ating ekonomiya, magko-collapse din ‘yung ating bansa. Sayang lang lahat. At sino bang unang tatakas? Itong mga kurap na politiko dahil napakarami na nilang pera.”
Ipinahayag din ng alkalde na malinaw ang kanyang layunin at wala siyang ibang motibo maliban sa paglilingkod. “Wala na akong ibang motive diyan. Sabi ko, I’m willing even to sacrifice my life just to make sure that we give the future that our children really deserve.”
Para kay Magalong, ang laban kontra korapsyon ay hindi lamang laban ng isang tao kundi laban ng buong sambayanan. At kung walang mangangahas magsalita, patuloy lamang lalakas ang hawak ng mga kurap sa bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento