Isinuko na ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya ang sampu sa kanilang labindalawang luxury cars matapos maglabas ng babala ang Bureau of Customs (BOC) laban sa sinumang magtatangkang magtago ng mga sasakyang sakop ng kanilang imbestigasyon.
"Lilinawin ko lang po, hindi kailanman itinago ang mga sasakyan ng aking mga kliyente. Legal ang mga ito at maayos na nakuha. Ang isyu dito ay malinaw: walang batas na nagbabawal sa pagbili ng mamahaling sasakyan." -Sarah Discaya
Ayon sa talaan ng BOC, 12 ang kabuuang bilang ng luxury cars ng mga Discaya. Subalit nang magsagawa ng search warrant ang mga tauhan ng BOC sa tanggapan ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development sa Pasig City noong Martes ng umaga, Setyembre 2, 2025, dalawang sasakyan lamang ang naabutan doon, isang Maserati at isang Land Cruiser.
Dahil dito, agad na itinuloy ng BOC ang paghahanap, at kinagabihan, isa-isang nagsidatingan ang mga pinaghahanap na sasakyan sa compound ng kumpanya. Layunin ng operasyon na alamin kung nagbayad ng tamang buwis ang mga Discaya sa pagbili ng kanilang mga mamahaling sasakyan.
Sa panayam ng GMA Integrated News, ipinaliwanag ng legal counsel at spokesperson ng pamilya, si Atty. Cornelio Samaniego III, ang dahilan ng pagkawala ng mga sasakyan. Aniya, “Ginagamit ho kasi ‘yung ibang sasakyan. Yung iba naman for maintenance. Yung iba naman, nailagay sa isang lugar kasi preemptive measure sila ngayon kasi nagbabaha dito sa Pasig.”
Dagdag pa niya, walang dahilan para itago ang mga ito dahil legal naman daw ang pagkakabili: “Hindi po itinatago. Bakit itatago, e, legal ‘yung mga ‘yon? Wala naman hong nagbabawal na bumili ka ng ganitong sasakyan na mamahal, e. Yung mga allegation na nasa illegal, hindi po totoo ‘yon.”
Ang mga luxury cars ng mag-asawang Discaya, na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso, ay isa sa mga naging sentro ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 1, na mas lalong nagpalaki ng interes at pagtutok ng publiko sa kaso.
Ang isyu ng luxury cars ng mag-asawang Discaya ay nagpapakita kung paanong ang kayamanan at pribilehiyo ng ilang personalidad ay nagiging sentro ng pampublikong diskusyon, lalo na kung ito ay kaugnay ng mga imbestigasyon ng gobyerno.
Bagama’t mariing itinanggi ng kanilang kampo ang anumang alegasyon ng ilegalidad, nananatiling tanong sa publiko kung sapat ba ang ebidensiya upang patunayan na legal nga ang lahat ng ari-arian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento