Nakatakdang isailalim sa auction ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang mamahaling sasakyan ng mag-asawang sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Cezarah “Sarah” Discaya, matapos matuklasang may iregularidad sa pagbabayad ng kaukulang buwis at duties.
"Hindi kami magdadalawang-isip na isailalim sa auction ang mga sasakyang ito kung mapapatunayang walang sapat na dokumento. Dapat malinaw at tama ang pagbabayad ng buwis, lalo na kung luxury cars ang pinag-uusapan. Walang puwang ang panlilinlang sa gobyerno." -BOC Official
Ayon kay Atty. Chris Noel Bendijo, deputy chief of staff ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, lumabas sa paunang pagsusuri na mahigit sampung sasakyan mula sa koleksyon ng 28 luxury vehicles ng mga Discaya ang kulang sa tamang dokumento para sa pagbabayad ng customs duties at buwis.
“Lagpas 10 ’yung ating nakita so far na hindi nakita ’yung kaukulang dokumento for Customs duties and taxes,” pahayag ni Bendijo sa isang panayam.
Dagdag pa niya, ang naturang mga natuklasan ay mas nagpapatibay sa hinalang may iregularidad sa importasyon at posibleng hindi nabayaran ang tamang buwis para sa mga naturang sasakyan.
Samantala, nananatili pa ring mainit na usapin ang mga Discaya matapos mabulgar na nakakuha umano sila ng ₱31 bilyon halaga ng flood control projects mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ang kanilang kaso sa magkahiwalay na pagdinig sa Senado at sa Kamara.
Sa gitna ng imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects, muli na namang nabunyag ang iregularidad sa yaman ng mga Discaya. Ang desisyon ng BOC na isailalim sa auction ang kanilang luxury vehicles ay malinaw na hakbang upang ipakita na walang sinuman, gaano man kayaman o kalakas, ang exempted sa batas. Ang isyung ito ay nagsisilbing paalala na ang pananagutan ay dapat pantay-pantay para sa lahat ng Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento