Isang emosyonal na post ang ibinahagi ng singer at songwriter na si Ice Seguerra matapos niyang dalawin ang mga puntod ng kanyang yumaong mga magulang. Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, Setyembre 12, inamin ni Ice na hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siyang tanggapin ang kanilang pagkawala.
“Parang hindi pa rin totoo. Hindi pa rin ako makapaniwala… Natatakot ako sa mararamdaman ko kapag tumingin ako sa audience at hindi ko kayo makikita,” emosyonal na isinulat ni Ice.
Ayon kay Ice, bawat pagkakataong umaakyat siya sa entablado ay hinahanap pa rin niya ang mga mata ng kanyang mga magulang sa audience, ang mga matang laging puno ng pagmamalaki at suporta sa kanya.
Naalala rin ni Ice ang mga panahong lagi siyang sinasabihan ng kanyang ina na “Galingan mo, bata!” tuwing may performance siya. Ang mga salitang iyon umano ang naging inspirasyon niya upang patuloy na paghusayin ang kanyang talento.
Ang kanyang ama, si Decoroso Seguerra, ay pumanaw noong 2020, habang ang kanyang ina na si Caridad Seguerra o mas kilala bilang Mommy Caring, ay sumakabilang-buhay nitong Hunyo.
Inamin ni Ice na natatakot siyang humarap sa entablado at maramdaman ang lungkot na wala na ang kanyang mga magulang sa mga panahong kailangan niya ng lakas ng loob. Ngunit naniniwala siyang mananatili ang gabay ng kanyang mga magulang kahit wala na sila sa pisikal na mundo.
Ang kwento ni Ice Seguerra ay sumasalamin sa tunay na pagmamahal ng anak sa mga magulang at sa bigat ng lungkot na dulot ng pagkawala nila. Sa kabila ng sakit, pinipili niyang magpatuloy, hindi lamang para sa kanyang sarili, kundi bilang pagpupugay sa mga magulang na unang naniwala sa kanya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento