Sa gitna ng mga panawagan at espekulasyon, tahasang sinabi ni Vico Sotto na hindi siya tatakbo sa anumang posisyon sa 2028 national elections. Sa isang panayam kay Jessica Soho, sinabi ng Pasig City Mayor na nais muna niyang magpahinga sa mundo ng pulitika pagkatapos ng kanyang termino.
Ipinaliwanag ni Vico na bagaman may ilang grupo ang nagnanais na ibaba ang age requirement para sa pagkapangulo upang siya ay makatakbo, wala raw siyang balak na pasukin ang mas mataas na posisyon.
“Pwede naman nilang ibaba, maghanap sila ng ibang kandidato. Pwede naman po ‘yun, Kung ako lang, nagsabi na ako. 2028, I’ll take a break from politics. ‘Di muna ako tatakbo.” saad niya.
Dagdag pa niya, nais niyang magturo, mag-aral, o subukan ang mga oportunidad sa civil society o ibang bahagi ng pamahalaan—ngunit hindi sa pamamagitan ng pagtakbo muli.
Bagaman tinukoy ni Soho na tila nasa rurok ng kanyang political career si Vico, ipinaliwanag niya na hindi palaging sukatan ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon para makagawa ng kabutihan.
“Bigger things doesn’t always necessarily mean having to run in the elections. I just want to do my part and I have to think of myself also,” ani Vico.
Dagdag niya pa, kung ipipilit niyang tumakbo habang pagod at burnout, baka maging disservice lang ito sa mga taong kanyang pinaglilingkuran.
“Sige takbo ako sa 2028, burnout naman ako. Hindi rin naman madali ang ginagawa araw-araw… Kilala ko ang sarili ko. Alam ko kung hanggang saan lang ako. Tingin ko ito ang tamang desisyon,” wika niya.
Ang desisyon ni Vico Sotto ay isang paalala na ang tunay na lider ay hindi lamang sinusukat sa taas ng posisyong tinatamasa, kundi sa kakayahang kilalanin ang sariling limitasyon. Sa halip na ipilit ang sarili, mas pinili niyang unahin ang kanyang kalusugan at kapakanan upang sa oras na bumalik siya, ay mas makapaglilingkod siya nang buong-buo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento