Viral ngayon sa social media ang kabutihang ginawa ng isang motorcycle rider na si Rousell matapos niyang isalba ang isang kuting sa gitna ng kalsada sa Ortigas Bridge. Sa isang video na kuha sa mismong insidente, makikitang habang bumabiyahe si Rousell, ay bigla siyang napahinto nang mapansin ang isang maliit na kuting na sumuot sa ilalim ng bus.
“Hindi ko po inakalang magiging ganito kalaki ang epekto ng simpleng ginawa kong pagtulong. Pero kung may ma-inspire man akong tao para mas maging maawain sa hayop, malaking bagay na po ’yon sa akin.” -Rousell
Sa tulong ng isang bus driver na agad ding huminto at nagpakita ng malasakit, ligtas na na-rescue ang pusa. Isa itong tagpo na nagpapatunay na kahit sa gitna ng abalang lansangan, may mga taong handang magsakripisyo para sa mga walang kalaban-labang nilalang.
Dahil sa dami ng mga netizens na nagtatanong tungkol sa kinahinatnan ng kuting, muling nag-upload si Rousell ng video update. Dito, makikitang kinupkop na niya ang pusa at pinangalanan itong "Raya." Sa video, kapansin-pansin ang pagbabago ng pusa mula sa pagiging takot at balisa, ngayon ay masigla at kumportable na ito sa kanyang bagong tahanan.
Dagdag pa niya, nagpasalamat siya sa bus driver na hindi nagdalawang-isip na huminto, at humingi rin ng paumanhin sa ibang motorista na naabala sa tagpong iyon. Aniya, hindi niya intensyon na maging istorbo, kundi mailigtas lang ang maliit na nilalang na kapos sa kakayahang ipagtanggol ang sarili.
Ang simpleng kabutihang ginawa ng rider na ito ay naging inspirasyon hindi lamang sa mga pet lovers kundi sa lahat ng may pusong marunong makiramay. Sa dulo, tunay ngang hindi mo kailangang maging sikat para maging bayani minsan, sapat na ang malasakit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento