Advertisement

Responsive Advertisement

P96.49M FLOOD CONTROL PROJECT SA BULACAN, PALPAK: PBBM, UMALMA SA SABLAY NA KONTRATA: "KAILANGAN PASAGUTIN NATIN KUNG BAKIT GANITO ANG GINAWA NILA"

Lunes, Agosto 18, 2025

 



Mariing tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pansin ng St. Timothy Construction, isang kompanyang pag-aari nina Pacifico at Sarah Discaya, matapos lumabas na hindi pa rin natatapos ang P96.49-milyong flood control project sa Calumpit, Bulacan, mahigit dalawang taon matapos ang target completion nito.


"Hindi puwedeng ganito. Matagal nang nagdurusa ang mga taga-Calumpit dahil sa baha, pero hanggang ngayon kulang at sablay ang proyekto. Kailangan nating siguraduhin na ang pera ng bayan ay napupunta sa tamang lugar, hindi sa palpak na trabaho." – Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Sa personal na inspeksyon ng Pangulo sa River Protection Structure sa Barangay Bulusan, natuklasan niyang may humigit-kumulang 200 metro ng proyekto ang hindi pa natatapos. Bukod pa rito, napansin niyang manipis at hindi pantay ang semento, underspecified ang bakal na ginamit, at hindi rin itinayo ang desilting facility na nakapaloob dapat sa kontrata.


"St. Timothy ang kontratista dito, so titingnan natin. Kailangan pasagutin natin kung bakit ganito ang ginawa nila," ani Marcos. Dagdag pa niya, "Mas mabuti pa pumunta sila dito nang makita nila gaano kahirap ang buhay na binigay nila sa mga kababayan natin. Hindi puwedeng ganito, pambihira. This has been going on for years."


Ayon sa datos, ang proyekto ay pinondohan noong 2022 at iniulat na “completed” noong Pebrero 2023 sa Sumbong sa Pangulo website. Ngunit, taliwas dito, lumabas sa aktwal na inspeksyon na hindi nagawa ang desiltation at nananatiling barado ang ilang bahagi ng ilog.


Sa kasalukuyan, patuloy na nakakaranas ng matinding pagbaha ang ilang barangay sa Calumpit dahil sa Habagat, pag-apaw ng Ipo Dam, at mataas na tubig mula sa high tide.


Batay pa sa record, mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025, nakakuha ang St. Timothy Construction ng 105 proyekto na may kabuuang halaga na P7.32 bilyon, dahilan upang maging ikatlong pinakamalaking kontratista ng DPWH sa flood control projects. Gayunman, ilang kompanya na konektado sa pamilya Discaya ang naakusahan din ng mga incomplete at substandard na proyekto, kabilang ang halos P4 bilyong flood control projects sa Iloilo City na kinuwestiyon ni Mayor Raisa TreƱas.


Ang usapin sa Calumpit, Bulacan ay patunay na hindi dapat ipagwalang-bahala ang kalidad at pagiging kumpleto ng mga proyektong pinopondohan ng gobyerno. Sa halip na maging proteksyon laban sa kalamidad, ang kapalpakan sa implementasyon ay nagdudulot pa ng dagdag na panganib at pasanin sa mga mamamayan. Ang panawagan ng Pangulo ay malinaw—dapat managot ang mga kontratista na pumapalpak sa tungkulin at kumukuha ng pondo ng bayan nang hindi maayos ang resulta.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento