Si Michael V, o mas kilala bilang Bitoy, ay muling naging laman ng usapan matapos ang matapang niyang pahayag tungkol sa kasalukuyang estado ng komedya. Ayon sa kanya, hindi na ganoon kadali ang magpatawa ngayon kumpara noon. Kung dati ay simpleng parodiya lamang ang kailangan para magpasaya, ngayon ay may kaakibat nang mabigat na gastos tulad ng license fees, at higit sa lahat, mabilis na pagbatikos mula sa social media.
“Talagang mahirap na maging komedyante ngayon. Pinapatatahimik ‘yung mga may utak para hindi ma-offend ‘yung mga walang utak,” ani Bitoy. Ibig sabihin, marami nang sensitibong isyu kung saan ang mga matalinong biro ay hindi na kayang ipahayag nang malaya dahil baka may masaktan o magreklamo.
Aminado si Michael V na hindi pwedeng basta-basta na lang gumawa ng jokes na makaka-offend. May sarili silang self-censorship na sinusunod bilang respeto sa kanilang audience. “Once you do comedy, once you turn everything into comedy, supposedly okay lang yan. But we still hold ourselves responsible,” dagdag niya.
Hindi rin nakatakas ang politika sa kanyang sketches. Mula sa “presidential sumbong” hanggang sa mga biro tungkol sa political dynasties, pinapatunayan ni Michael V na kahit sa gitna ng restrictions, posible pa ring magbigay ng matalinong komentaryo gamit ang humor.
Sa mga sinabi ni Michael V, malinaw na hindi lamang simpleng patawa ang ginagawa ng mga komedyante. Isa itong maselang balanse sa pagitan ng pagpapasaya at pananagutan. Habang patuloy na nagbabago ang sensitivities ng lipunan, nananatiling hamon sa kanila kung paano magpatawa nang hindi nakakasakit—isang bagay na pinatunayan ni Bitoy na posible basta’t may respeto at tamang diskarte.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento