Isang Ceres bus driver ang naging usap-usapan at umani ng papuri matapos magpakita ng malasakit at kabutihang-asal sa isang pasahero. Sa halip na manatili lamang sa kanyang manibela, pansamantala siyang bumaba upang personal na alalayan ang isang matanda mula sa pagsakay sa Kalibo hanggang sa pagbaba nito sa bayan ng Ibajay nitong Lunes, Agosto 18.
"Saludo kami kimo, Sir Bus Driver 6841! Hindi lang siya basta drayber, isa siyang ehemplo ng malasakit at kabutihang dapat tularan." -pasahero na nakasaksi
Ayon kay Dr. Gha Dalisay, na siyang nakasaksi at nagbahagi ng karanasan sa Facebook, nakakaantig ang tagpong iyon dahil bihirang makita na ang isang drayber ay kusang loob na gumampan bilang parang “4-corner elderly walker.”
“Seldom you could witness a driver leave his steering wheel and serve as a 4-corner elderly walker. This melts my heart,” ani Dalisay sa kanyang post.
Dagdag pa niya, hindi nag-atubili ang drayber na magpakita ng malasakit—isang bagay na tila simpleng aksyon pero nag-iwan ng malaking inspirasyon sa mga nakakita. “Heartwarming talaga to witness such kindness in this crazy world,” dagdag pa niya.
Para sa karamihan, ang trabaho ng isang drayber ay siguraduhin ang ligtas na pagbiyahe ng mga pasahero. Ngunit ipinakita ng bus driver na ito na higit pa roon ang tunay na kahulugan ng serbisyo—ang pagpapakita ng malasakit at respeto sa kapwa, lalo na sa mga nakatatanda.
Hindi lamang ang pasahero ang natuwa kundi maging ang netizens na nakabasa ng post. Para sa kanila, ang kabutihang ipinakita ng drayber ay patunay na may mga tao pa ring inuuna ang malasakit kaysa sarili.
Ang kabutihan ay hindi kailangang maging engrande para makapagbigay ng inspirasyon. Sa simpleng pag-abot ng tulong sa isang matanda, ipinakita ng Ceres bus driver na ang malasakit at respeto ay nagbibigay ng pag-asa sa lipunan. Sa panahon kung saan madalas puro negatibo ang laman ng balita, ang mga ganitong kwento ay nagpapaalala na may mga tao pa ring inuuna ang kapakanan ng iba bago ang sarili.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento