Hindi madali para sa sinuman ang umamin sa kanilang mga pagkakamali, lalo na kung ito’y may malaking nawalang halaga — emosyonal man o pinansyal. Pero sa isang matapang na panayam sa Toni Talks ni Toni Gonzaga, buong tapang na ibinahagi ng comedian duo na sina MC Muah at Lassy Marquez ang madilim na bahagi ng kanilang buhay ang pagiging biktima ng gambling addiction.
Ayon kay MC Muah, nagsimula ang lahat nang pumanaw ang kanyang ina dahil sa cancer. Sa gitna ng pagdadalamhati at pag-iisa, niyaya siya ng isang kaibigan sa casino upang "maaliw." Ngunit sa halip na aliw, naging adiksyon ito.
“Uuwi ako ng madaling araw galing sa comedy bar, tapos wala akong kasama, di ako makatulog. Isang kaibigan ang nagsabi, ‘Try mo sa casino, baka gumaan pakiramdam mo.’ Doon na nagsimula lahat,” ani MC.
Nauwi ito sa sunud-sunod na pagkatalo mula PHP50,000 hanggang umabot ng PHP800,000 sa isang gabi. Sa loob ng limang taon (2011–2016), halos araw-araw silang nasa casino, kahit may trabaho.
Si Lassy, na matagal nang kaibigan ni MC, ay sumama lang noong una. Pero dahil sa tinatawag na beginner’s luck, nanalo agad siya sa unang sabak niya sa sugal dahilan kung bakit nahila rin siya sa adiksyon.
“Akala ko noong una masaya lang. Pero hindi namin namalayan, araw-araw na pala kami nandoon. Walang tulog. Taping, shooting, comedy bar tapos balik casino,” dagdag pa ni Lassy.
Nakaipon sana sila noon ng malaki, pero dahil sa sugal, umabot sa higit P10 milyon ang nawala. Ang masakit pa, nang matapos ang lahat, PHP2,000 na lang ang laman ng kanilang bank account.
Hindi ikinahiya nina MC at Lassy ang kanilang karanasan, bagkus ginawa nila itong babala para sa iba:
“Kaya namin kinukuwento ‘to para maging lesson sa iba. Hindi kami proud, pero gusto naming may matutunan ang mga tao,” pahayag ni MC.
Ang kwento nina MC at Lassy ay hindi lang tungkol sa pagkatalo sa sugal, kundi tungkol din sa pagkagising, pagbawi, at pagbabahagi. Hindi madali ang madaanan nila pero pinili nilang tumayo, lumaban, at magsalita upang magbigay ng babala at inspirasyon sa iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento