Matapang na panawagan ang inilabas ng kilalang labor leader at abogado na si Luke Espiritu, matapos ipahayag ng administrasyon ang posibleng 2% na bawas sa VAT. Ayon kay Espiritu, hindi raw ito makatutulong nang malaki sa karaniwang Pilipino lalo na sa mga manggagawa at pamilyang kumakayod araw-araw para lamang makatawid-buhay.
“Alisin na ang VAT altogether. Hindi patas ang buwis na ito dahil konsumo ang tina-tax, hindi income. Ang mga mahihirap ang mas tinatamaan. Kung gusto natin ng makatarungang sistema, dapat ang buwis nakabase sa kita kung mataas ang income, mas mataas ang tax. Hindi ‘yung pareho ang bigat sa mayaman at mahirap.” -Luke Espiritu
Diretsahan niyang sinabi na “hindi sapat ang 2% VAT reduction” dahil ang mismong sistema ng VAT ay hindi patas at labag umano sa prinsipyo ng progressive taxation na nakasaad sa Saligang Batas. Sa madaling salita, ang mas mahihirap—hindi ang mayayaman, ang mas tinatamaan ng VAT sapagkat buwis ito sa konsumo, hindi sa kita.
Ipinaliwanag ni Espiritu na ang VAT ay lumalabas na parusa sa mahihirap, dahil pareho ang binabayarang buwis ng isang ordinaryong manggagawa at isang milyonaryo kapag parehong bumili ng bigas, kape, sabon, o anumang pangunahing bilihin. “Kung sino pa ang kumikita nang maliit, siya pa ang mas pinapahirapan,” aniya.
Hindi na bago ang sigaw kontra VAT, ngunit muling umingay ang usapin matapos ang buo at tahasang panawagan ni Luke Espiritu. Para kay Espiritu, hindi sapat ang kosmetikong reporma. Kung tunay na katarungan ang hanap, hindi 2% bawas kundi buong pagtanggal sa VAT ang kailangan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento