Binuksan na sa publiko ang Kian Delos Santos Memorial Shrine sa loob ng San Roque Parish sa Caloocan, isang lugar na idinisenyo para magsilbing konkretong alaala sa 17-anyos na estudyanteng pinaslang sa operasyon ng pulis noong 2017.
“Paalala ito sa lahat ng inosenteng biktima ng EJK, hindi ko maiwasang isipin na hindi ito simpleng pagkakataon, kundi isang tawag na huwag tayong manahimik sa harap ng kawalan ng hustisya.” -Bishop Pablo Virgilio David
Ayon sa Caloocan Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David, hindi raw simpleng pagkakataon ang petsa ng pagkamatay ni Kian. Sa kanyang homiliya, binigyang-diin niyang ang araw na binawian ng buhay ang binata ay eksaktong kapistahan ng San Roque, ang patron ng parokya, isang simbolikong paalala na ang mga biktima ng kawalan ng hustisya ay may puwang sa simbahan at sa konsensya ng bayan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Bishop David na ang shrine ay hindi lamang lugar ng pag-alala, kundi paalala ng katotohanang hindi dapat tabunan na may kabataang pinatay nang walang laban, at hanggang ngayon ay patuloy na naghihintay ng ganap na hustisya ang kanyang pamilya at ang sambayanan.
Ang paglalagay ng Kian Delos Santos Memorial Shrine ay hindi lamang paggunita, ito ay tahasang pahayag laban sa pagkalimot. Pinapaalala nito sa bayan na ang tunay na hustisya ay hindi nakukuha sa pananahimik o pagtakip, kundi sa pagharap sa katotohanan, gaano man ito kasakit o kasensitibo.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento